KINGS KINALAWIT NG HAWKS

hawiks vs kings

UMISKOR sina Trae Young at Clint Capela ng pinagsamang 52 points upang tulungan ang Atlanta Hawks na maitakas ang 121-106 panalo kontra bisitang Sacramento Kings at palawigin ang kanilang winning streak sa season-long four games.

Kumamada si Young ng limang 3-pointers at nagposte ng 28 points na may 9 assists. Nagsalansan si Capela ng 24 points, 14 rebounds at 2 blocked shots.

Umangat ang Atlanta sa 4-0 magmula nang maging head coach si Nate McMillan noong March 1. Nanalo ang Hawks ng tatlong sunod kung saan naghabol sila ng double digits at naitala ang kanilang unang four-game winning streak magmula noong April 2017, ang huling taon na pumasok sila sa playoffs.

NETS 100, PISTONS 95

Isinalpak ni James Harden ang tie-breaking layup, may 97 segundo ang nalalabi, at nagposte ng isa pang triple-double na 24 points, 10 assists at 10 rebounds, nang malusutan ng Brooklyn Nets ang late challenge sa 100-95 panalo laban sa Detroit Pistons.

Kinuha ng  Nets ang 12-point lead papasok sa fourth quarter bago inapula ang mainit na paghahabol ng Detroit. Sandaling hinawakan ng Pistons ang one-point lead nang ilagay ng dunk ni Mason Plumlee ang talaan sa 91-90, may 2:59 ang nalalabi.

Pagkatapos ay pinangunahan na ni Harden ang final minutes.

Sa iba pang laro ay dinaig ng Milwaukee Bucks ang Washington Wizards, 125-119; hiniya ng Charlotte Hornets ang Toronto Raptors, 114-104;

pinatahimik ng New York Knicks ang Oklahoma City Thunder, 119-97; at pinaamo ng Portland Trail Blazers ang Minnesota Timberwolves, 125-121.

Comments are closed.