TUMAPOS si Domantas Sabonis na may 28 points, 12 assists at 11 rebounds upang tulungan ang Sacramento Kings na pataubin ang Phoenix Suns, 120-105, noong Biyernes ng gabi.
Nagsalansan si De’Aaron Fox ng 23 points, 7 assists, 6 rebounds at 3 steals upang tulungan ang Sacramento na magwagi sa ika-9 na pagkakataon sa 13 games. Umiskor si Keegan Murray ng 21 points, nag-ambag si Harrison Barnes ng 19 at tumipa si Kevin Huerter ng 13 para sa Kings na umabante ng hanggang 29 points habang ipinalasap sa Suns ang ika-4 na sunod na kabiguan.
Kumabig si Kevin Durant ng 28 points at 7 rebounds at nagdagdag si Devin Booker ng 24 points at 7 assists para sa Phoenix, na natalo sa ika-8 pagkakataon sa 11 laro. Gumawa si Udoka Azubuike ng 11 points at 11 rebounds, umiskor din si Grayson Allen ng 11 points at nag-ambag si Chimezie Metu ng 10 points.
Naglaro ang Suns na wala si big man Jusuf Nurkic (personal reasons).
Naipasok ng Kings ang 53 percent ng kanilang tira at isinalpak ang 12 sa 38 mula sa 3-point range. Humataw si Barnes ng apat na 3-pointers at gumawa si Murray ng tatlo para sa Sacramento.
Ang triple-double ay ika-4 sa season ni Sabonis at ika-36 sa kanyang career.
Heat 122,
Hawks 113
Umiskor si Tyler Herro ng team-high 30 points at kumamada ng season-high seven 3-pointers upang tulungan ang Miami Heat na mamayani kontra bisitang Atlanta Hawks.
Naiposte ni Duncan Robinson ang 21 sa kanyang season-high 27 points sa fourth quarter para sa Heat, na nanalo sa kanilang ikatlong laro sa apat na pagtatangka. Nakalikom si Jaime Jaquez Jr. ng 19 points para sa Miami, at nagdagdag si Bam Adebayo ng 18.
Nagsalpak din si Trae Young ng pitong treys at tumipa ng 30 points at 13 assists para sa Hawks, na agad na naputol ang two-game winning streak. Ito ang ika-6 sunod na laro ni Young na may 30 points at 10 assists at isang laro na lamang ngayon sa likod ni Oscar Robertson para sa pinakamahabang lstreak sa kasaysayan ng NBA. Nagdagdag si Dejounte Murray ng 24 points para sa Hawks, habang nagdagdag si Bogdan Bogdanovic ng 23.
Hindi nakapaglaro si Jimmy Butler sa ikalawang sunod na pagkakataon para sa Miami dahil sa calf injury.
Warriors 129,
Wizards 118
Nagbuhos si Jordan Poole ng team-high 25 points sa kanyang pagbabalik sa San Francisco, subalit nag-counter si Stephen Curry ng 30 at nagtala si rookie Trayce Jackson-Davis ng ikalawang sunod na double-double nang dispatsahin ng Golden State Warriors ang bisitang Washington Wizards.
Ang paghaharap ay una magmula nang dalhin si Poole, isang driving force sa 2022 championship run ng Golden State, sa Wizards mula sa Warriors noong Hulyo bilang bahagi ng package para kay Chris Paul.
Si Poole ay nahirapan mula sa field, bumuslo ng 7-for-21 overall at 3-for-12 sa 3-pointers, subalit naging sandigan ang kanyang walong free throws sa kanyang ika-6 na laro ngayong season na may 25 o higit pang puntos.
Nag-ambag si Paul ng 4 points, 7 rebounds at game-high 10 para sa Warriors.