KINGS, ROAD WARRIORS AGAWAN SA SOLO SECOND

pba

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. – Converge vs Terrafirma
6 p.m. – Ginebra vs NLEX

KAKALASIN ng Barangay Ginebra at NLEX ang tali na nag-uugnay sa kanila at mag-aagawan sa solo second place habang target ng rookie team Converge ang ikalawang panalo kontra Terrafirma sa PBA Philippine Cup ngayon sa Mall of Asia Arena.

Magsasalpukan ang Gin Kings at Road Warriors sa main game sa alas-6 ng gabi matapos ang 3 p.m. duel ng FiberXers at Dyip.

Ang Barangay Ginebra at NLEX ay may 2-1 kartada kasalo ang Meralaco, sa likuran ng undefeated leader San Miguel Beer na may 3-0.

Nanalo ang NLEX sa huli nilang laro kontra defending champion Talk ‘N Text, 90-89, at yumuko ang reigning Governors’ Cup champion Ginebra sa huli nilang laro kontra Magnolia, 84-89.

Muling ipaparada ng Gin Kings ang kanilang malalim na bench sa pangunguna ng twin towers nina Japeth Aguilar at Filipino-American Christian Standhardinger na inaasahang kokontrolin ang low post laban kina Justin Chua at Raul Soyud.

Bukod sa rebound, inaasahan din sa points production sina Aguilar at Standhardinger na uma-average ng double-double kada laro.

Nariyan din ang deadly trio nina LA Tenorio, Scottie Thompson at Stanley Pringle na inaasahang ibibigay ang mga puntos na kinakailangan ng Kings sa kanilang hangaring kunin ang solong ikalawang puwesto.

Bagama’t lamang sa tao, ayaw magkampante ni coach Tim Cone at pinaalalahanan ang kanyang tropa na huwag magpabaya para masiguro ang panalo.

Muling sasandal si coach Yeng Guiao kay ace gunner Kevin Alas, kasama sina JR Quinahan, Calvin Oftana, Celedonio Trollano,at Philip Paniamogan.

– CLYDE MARIANO