KINGS, ‘TROPA’ AGAWAN SA 3-2 BENTAHE

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7:30 p.m. – Ginebra vs TNT
(Game 5, serye tabla sa 2-2)

SISIKAPIN ng Barangay Ginebra na mahila ang kanilang run habang hangad ng TNT na makabawi mula sa two-game slide sa krusyal na Game 5 ng kanilang PBA Governors’ Cup title series ngayong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.

Wala nang iisiping individual awards, at ang dalawang koponan ay galing sa two-day breather sa pag-aagawan para sa 3-2 lead sa race-to-four series.

Nakatakda ang laro sa alas-7:30 ng gabi kung saan inaasahan ang isa na namang malaking crowd sa pinakaaabangang serye matapos ang 16,783-strong gate attendance sa Game 4 noong Linggo sa Big Dome.

Ang Game 5 ay magsisilbing tuntungan ng eventual champions kung saan magiging susi ang pagnanais at determinasyon sa pagkamit ng tagumpay.

Ang TNT ay nagwagi sa Game 1 (104-88) at Game 2 (96-84) bago rumesbak ang Ginebra sa Game 3 (85-73) at Game 4 (106-92).

Para sa Game 5, maaaring bahagyang nakalalamang ang Kings dahil sa momentum na dala ng kanilang panalo sa huling dalawang laro.

Pinangunahan ni Justin Brownlee ang mainit na opensa ng Ginebra noong Linggo, nagpakawala ng dalawang four-pointers at tatlong tres upang tampukan ang 34-point sizzler at pamunuan ang Kings sa 14-point victory.

Isinalpak ni Stephen Holt ang apat na tres tungo sa 18-point production, ang kaparehong outputs nina Maverick Ahanmisi at Japeth Aguilar kung saan naabot ng Kings ang century mark sa unang pagkakataon sa serye makaraang mag-average lamang ng 85.6 sa unang tatlong laro.

Bumuslo ang Kings ng impresibong 56.3-percent clip, na may mas mataas na 60-percent marksmanship (3-of-5) mula sa four-point zone.

Subalit sinabi ni Cone na hindi lamang ito tungkol sa paglagay ng bola sa hoops kundi pati ang depensa.

“This is the finals, it’s going to be a tough go offensively always in the finals. Everybody wants to win so badly that it’s never just about making shots. It’s always about how much guys are going to defend and rebound and hustle. And that’s what we’ve been able to do this last two games,” sabi ni Cone.

“In terms of our offense, we just kept making big shots when we needed to. We’ve been doing that pretty much all conference long. It seems like when the team started to make a run at us, somebody hits a big shot. Stephen was the one making those big shots, Maverick hit that big four, Justin had one. We’ve been fortunate that we’ve been hitting the big shots when it counts,” dagdag pa ni Cone.

Subalit tiyak na may Rondae Hollis-Jefferson na magiging hadlang ngayong araw.

At nariyan ang buong TNT team na gigil na makabawi.
CLYDE MARIANO