KINILALA NG MALACAÑANG, SCHOOL NA MAY PINAKAMAGANDANG PAROL

PINANGUNAHAN ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Unang Ginang Louise Araneta Marcos ang awarding ceremony ng National Parol-Making Competition, “Isang Bituin, Isang Mithiin” sa Palasyo ng Malacañan.

Ginawaran ng Pa­ngulo, kasama ang Unang Ginang at Kalihim ng Edukasyon na si Sonny Angara, ang Pedro V. Panaligan Memorial National High School ng DepEd-MIMAROPA bilang unang gantimpala.

Samantala, nakakuha naman ng ikalawang puwesto ang Panabo City National High School (Davao Region), habang nakakuha naman ng ikatlong gantimpala ang Roxas City School for Philippine Craftsmen (Western Visayas).

Gamit ang temang “Harmonies of Hope: Illuminating Filipino Resilience,” ang ikatlong edisyon ng kompetisyon ay nagtampok ng 148 intricately designed Christmas lanterns na ginawa ng mga pampublikong sekondaryang paaralan sa buong bansa.

Ayon sa entertainment icon na si Vice Ganda, na nagsilbing isa sa mga hurado, ang kaganapan ay nagsilbing showcase ng artistikong talento at talino sa ating mga pampublikong paaralan.  Si Vice Ganda ay isang ipinagmamala­king produkto ng sistema ng pampublikong paaralan sa Pilipinas.

Sinamantala rin ni Pangulong Marcos ang pagkakataon na ipa­alala sa lahat ang panga­ngailangan ng pagkakaisa at pakikiramay, lalo na sa mga Pilipinong naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.

Ang nationwide parol-making competition ay sa pagtutulungan ng Office of the President, Office of the Social Secretary, at Department of Education (DepEd).

“Pinagsama-sama ng kompetisyong ito ang mga komunidad ng DepEd—mga mag-aaral, guro, at mga magulang na nakiisa upang ipakita ang kanilang pagkamalikhain at talento,” ani Kalihim Angara.

Elma Morales