KINUMPIRMA ng Department of Agriculture (DA) ang global shortage sa potato variety na ginagamit sa french fries.
Batay sa report, ang kakulangan sa supply ng imported na patatas ang nag-udyok sa ilang fast-food chains na limitahan ang pagbebenta nito habang ang ilang restaurants ay pansamantalang itinigil ang pagbebenta ng malaking servings.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, mas nararamdaman ang potato shortage sa fast food chains dahil ang mga chipping potatoes ang kulang at iyan ang inaangkat ng bansa.
“Tayo po, ang ating mga magsasaka, ang itinatanim po nila ay ‘yung mga table potatoes,” aniya.
Samantala, sinabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ilang magsasaka ang minabuti na ring huminto sa pagtatanim ng patatas na nagresulta sa mababang supply ng locally-produced potatoes at sa pagtaas ng presyo nito.
“‘Yung presyo ng fertilizer ‘di ba internationally tumaas, and of course, ‘yung fuel price tumaas. So ‘yung inputs talaga mataas, kaya ‘yung cost eh hindi kaya, hindi nila kaya,” wika ni SINAG Chairperson Rosendo So.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng local potatoes sa Benguet Trading Post ay nasa P43/kilo, tumaas ng P11 mula sa P32/kilo noong nakaraang linggo.
Sa Metro Manila ay mas mahal ang patatas na pumapalo sa hanggang P70/kilo.