MAGPAPATUPAD ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mandatory repatriation sa mga manggagawang Pinoy na nasa mga bansang Iran, Iraq at Lebanon.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Labor Secretary Silvestre Bello III kasunod na rin ng umiinit na tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran at pagtataas ng Alert Level 4 sa mga naturang bansa.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Bello na mayroong 2,174, 611 dokumentadong overseas Filipino workers (OFWs) na nagtratrabaho sa Middle East kasama na rito ang nasa Israel.
Aniya, maaari pang madoble ang naturang bilang kung isasama ang mga undocumented Pinoy worker.
Magpapadala ang DOLE ng mga senior official ng kagawaran sa Middle East upang personal na mangasiwa sa gagawing pagpapauwi sa mga OFW.
Kabilang sa kanila sina OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na magtutungo sa Kuwait; POEA Administrator Bernard Olalia na siya namang itinalaga sa Lebanon at si Labor Undersecretary Claro Arellano sa United Arab Emirates (UAE).
Kasama rin ng mga DOLE senior officials ang Rapid Response Team upang magbigay ng orientation sa mga OFW sa sitwasyon upang makatiyak na maayos at ligtas na ang ugnayan sa gagawing pagpapauwi ng mga OFW.
Tiniyak ni Bello na nakaalerto na rin ang mga labor attaché sa mga nasabing bansa hinggil sa pagdating ng mga DOLE official na makikipagkita sa mga Pinoy community roon.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Bello na mayroong 600 Pinoy professionals na nagtratrabaho sa US military camp na binomba ng Iran forces ngunit ayon sa kalihim ay wala pang report kung may nasugatan o casualty sa kanilang hanay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.