KITA NG BOC ILALAGAY SA IRA NG LGUs

BUREAU OF CUSTOM

DAHIL  walang pagtutol ang Solicitor General bilang abogado ng pamahalaan, hiniling na sa Korte Suprema na maihanay na sa mga nabigyan ng pinal na desisyon ang naging pasya ng Kataas-taasang Hukuman sa petisyong naglalayong idagdag sa internal revenue allotment o IRA para sa lokal na pamahalaan ang kita mula sa Bureau of Customs.

Naghain ng motion for entry of finality of judgement si Batangas Governor Hermini­gildo Mandanas upang maipatupad na ang desisyon ng Korte Suprema.

Sa oras na ito ay katigan ng korte, maoobliga na ang pamahalaan na idagdag sa IRA para sa mga lokal na pamahalaan ang higit  sa P200 bilyon.

Magugunita na Hul­yo ng taong ito nang paboran ng korte ang petisyon ni Mandanas na naisampa noon pang nakaraang administras­yon.

Sa botong 10-3, tinukoy ng Korte Suprema na ang pag-compute sa IRA ay dapat na nakabatay sa lahat ng national taxes na nakokolekta ng gobyerno at hindi lamang sa national internal revenue taxes na nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Mas binigyan ng bigat ng Korte Suprema sa interpretasyon nito ang itinatakda ng Saligang Batas na tumutukoy sa “just share” ng LGU sa national taxes kaysa sa nakasaad sa Section 284 ng Local Government Code na nagsasabing ang LGU ay dapat na may bahagi sa national internal revenue taxes. TERESA CARLOS

Comments are closed.