Laro sa Linggo:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Letran vs Benilde
(Finals, Game 2)
ABOT-KAMAY na ang pinakaaasam na unang three-peat sa loob ng halos apat na dekada, ang Letran ay nakapokus lamang sa kung ano ang nakalatag sa mesa.
Ang huling pagkakataon na nanalo ang Knights ng tatlong sunod na korona ay noong 1982-84 sa likod ng powerhouse roster na pinangunahan ni Samboy Lim.
Lumapit ang Letran sa three-peat makaraang magwagi ng back-to-back crowns noong 1998-99, ngunit hindi ito nakapasok sa Final Four noong 2000, ang taon na nagwagi ang College of Saint Benilde ng breakthrough NCAA men’s basketball title.
Subalit binigyang-diin ni coach Bonnie Tan na hindi dapat makaramdam ng pressure ang kanyang mga player na maduplika ang nagawa ni Lim at ng talentadong Knights batch.
“For three-peat, we never talk about that. We just do one game at a time. Three-peat is just a bonus. Baka lalo pa tayo ma-pressure kapag kinompare pa natin sa previous years nina Samboy Lim,” sabi ni Tan matapos na maiposte ng Knights ang series-opening 81-75 victory kontra Blazers noong Linggo sa Araneta Coliseum.
“’Di naman namin kailangan i-duplicate, we will just handle our own business,” dagdag pa niya.
Magmula nang magsilbing head coach ng Letran noong 2019, si Tan ay perfect 3-0 sa Game 1s. Ang Knights, sa katunayan, ay nagwagi sa apat na sunod na Finals openers magmula noong 2015.
Ang Game 2 ay lalaruin sa Linggo sa Big Dome kung saan may pagkakataon ang Letran na tapusin ang serye, habang umaasa ang Benilde na lilipat ang Finals sa Antipolo City para sa decider.
Ang Knights ay nagtatangka sa ika-20 korona— ang second most sa liga.
Naghihintay rin ang kasaysayan sa Letran, na target ang dalawang kampeonato sa isang taon, kung saan tinalo nito ang Intramuros rival Mapua sa Season 84 Finals noong nakaraang Mayo.