LetrLaro ngayon:
(Ynares Center)
3 p.m. – Benilde vs Letran
(Finals, Game 3)
MAGSASAGUPA ang Letran at College of Saint Benilde sa huling pagkakataon para sa NCAA men’s basketball championship ngayong Linggo sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nakatakda ang salpukan sa alas-3 ng hapon.
Kinuha ng Knights ang opener, 81-75, bago rumesbak ang Blazers para ipatas ang Finals series sa 1-1 sa 76-71 panalo. Hindi makapaglalaro ang lider ng Letran na si Fran Yu, na-eject sa Game 2 dahil sa disqualifying foul kay Mark Sangco, makaraang patawan ng suspensiyon.
Nangangamba si coach Bonnie Tan na mahirapan ang Letran na makapag-adjust sa paglalaro na wala ang Season 95 Finals MVP.
“Ang biggest challenge is playing without a leader sa loob ng court, paano kami manalo, paano mag-close out ng games sa endgame. Alam naman natin anong ibinibigay ni Fran Yu bilang leader namin and sa court sa endgame,” sabi ni Tan.
Para tumaas ang kanilang morale sa training, ang Knights ay binisita ng ilang miyembro ng dating championship runs sa pangunguna ni Season 95 hero Jerrick Balanza.
Pangungunahan nina Brent Paraiso, Louie Sangalang at Kurt Reyson ang Letran sa kanilang pagtatangka sa unang three-peat magmula noong 1982-84 at sa ika-20 titulo sa kabuuan.
Ang Knights ay may three-game winning streak sa Game 3s, kung saan nanalo sila sa Finals decider noong 2005, 2015 at 2019. Ang ikalawang sunod na titulo ng Letran noong nakaraang Mayo ay isang sweep kontra Mapua.
Nagtatangka sa kanilang unang kampeonato magmula noong 2000, pinatunayan ng Benilde na hindi nito aatrasan ang ipinakita ng kalaban, lalo na sa Game 2.
“We just try to believe, really, that we can compete with this team. We talked about having to match their physicality, that we can’t let them bully us there. And I’m happy with the way they responded for most of this game,” sabi ni Blazers coach Charles Tiu.
Pangungunahan ng trio nina season MVP Will Gozum, Migs Oczon at Miggy Corteza ang Benilde, na maglalaro sa kanilang kauna-unahang Game 3.
Para kay Gozum, nais niyang makamit ang hindi natamo ni Blazers legend Sunday Salvacion sa kanyang MVP season noong 2002 – ang magwagi ng championship.
“Hindi naman ibibigay ng Letran iyan nang madali sa amin pero kami, focus lang kami. Job’s not done for us,” sabi ni Gozum.
“Gusto naming makuha ‘yung championship para buong CSB community masaya and patuloy kaming suportahan,” dagdag pa niya.