MAG-ISANG kakatawanin ni Filipino-American Kristina Knott ang Pilipinas sa World Indoor Championships sa March 18-20 sa Belgrade, Serbia.
Hindi makapaglalaro si kapwa Tokyo Olympian Ernest John Obiena sa prestihiyosong athletics competition na inorganisa ng International Athletics Federation (IAAF) makaraang hindi ito bigyan ng endorsement ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa).
Sa gabay ni American coach Rashean Griffin, makikipagsabayan ang 27-anyos na sprinter sa mga kalaban at determinadong higitan ang silver na napanalunan sa Italy at Korea sa una niyang paglahok sa kumpetisyon.
Inamin ni Knott na mabigat ang kanyang laban dahil world-class ang kumpetisyon.
“The competition is tough because all of the world’s best sprinters are competing. I’m already there. There’s no turning back. I have to race against them,” sabi ni Knott.
“I am proud to represent the Philippine in the tournament. This is my first time in the World Indoor Athletics. I will run as fast as I can and utilize my experience racing against my rivals,” wika ni Knott.
Ang kumpetisyon ay bahagi ng paghahanda ni Knott sa Southeast Asian Games sa Mayo at Asian Games na gagawin sa Setyembre sa China.
Itataya ni Knott ang kanyang korona bilang SEA Games sprint queen sa Vietnam. Nanalo ang Pinay sa 100m at 200m at 4x100m mixed relay kasama sina Brazil Olympian Eric Shawn Cray, Anfernee Lopena at Eloiza Luzon.
Hawak ni Knott ang national record sa 60m (7.26 seconds), 100m (11.27 seconds) at 200m (23.01 seconds). CLYDE MARIANO