KO TARGET SA TOYOGON VS TEJONES SA ‘BAKBAKAN SA ILOCOS’

TARGET kapwa nina boxing protégé  Al Toyogon at Joe Tejones na tapusin ang laban sa knockout sa pinakaaabangang duelo sa main event ng 2022 ‘Bakbakan sa Ilocos Sur’ Pro Boxing at Pro Muay Thai and Mixed Martial  Arts (MMA)  tournament sa Sabado ng gabi sa Quirino Stadium, Bantay, Ilocos Sur.

Handog ni Gov. Ryan Luis V.  Singson at ng Pamahalaang Panlalawigan bilang tampok na programa sa pagdiriwang ng ‘Kannawidan 2022’ at sa promosyon ng Elorde  Boxing  Stable Promotions sa pamumuno ni Maria Laureta Elorde, magtutuos sina Toyogon at Tejones sa tampok na bakbakan sa 12-match duel.

Kapwa  pasok sa timbang ang dalawa sa isinagawang weigh-in kahapon sa pangangasiwa ng Games and Amusement Board (GAB) na pinamumunuan nina Chairman Baham Mitra at Commissioner Eduard Trinidad. May bigat na 135 lbs ang 24-anyos na si Toyogon, habang tumimbang si Tejones sa 133.4 lbs. para sa 10-round match.

“Maganda po at mayroon tayong isang lugar at kasamahan gaya ni  Gov.  Ryan na nagmamahal sa sports, partikular sa boksing. Sana lahat ng gobernador ganyan, at siyempre sa tulong din ng Sanggunian. Kami po sa GAB gusto po natin ang magkaroon ng mas maraming Philippine champion, ” pahayag ni Mitra, dating Palawan congressman at governor.

“Sakto ang paghahanda ko   sa labang ito, kaya matira ang matibay sa amin ni Joe (Tejones), at higit akong nagpapasalamat sa ating Governor, kay Sir Ryan (Singson) at talagang buhos ang suporta niya sa amin,” pahayag ng tubong Cagayan de Oro na si Toyogon, may rekord na 11-6-1 at sa pangangalaga ni coach Rex Tito.

“Excited na tayong makita ang sagupaan ng ating mga bata (players) at naniniwala tayong magiging matagumpay ito sa tulong na rin ng ating mga kasamahan, gayundin ni chairman Baham,” ani Gov. Ryan na nagpapasalamat sa mga indibidwal na sumuporta sa programa.

Inaabangan din ang pagsagupa ng hometown hero na si Eesebio Corotan, Jr., tubong Sabang,Cabugao, Ilocos Sur, para itaya ang malinis na 3-0 baraha kontra kay Josaphat Navarro sa bantamweight division.

“Chance ko na po ito na muling maipamalas ang aking talento, gagawin ko ang lahat para manalo,” sabi ng 18- anyos na si Corotan.

Tampok din sa promosyon ang iba pang pares ng banggaan nina Jules Victoriano at Dave Barlas;  Ranelio Duizo vs Philip Cuerdo;  Melvin  Mananquil vs Reymark Alicaba;  Aljun Peliseo vs Fernan Agencia;  Bryan Tamayo vs Ardel Romasasa;  Gary Tamayo vs Jeffrey Francisco; Jover Amistoso vs  Justine Polido;  Jonniel Laurente vs Jufel Salina;  Elmar Zamora vs Carl Jeffrey Basil;  Alexander Almacen vs Benson Awidan; at Ali Canega  vs Menard Abila.

Hindi rin paaawat ang giyera sa pro Muay Thai and MMA, kung saan kapwa pasok sa timbang para ibalandra ang husay nina Adrian Jay Batoto at Mark Joseph  Abrillo ng Las Pinas sa main event.

Kapana-panabik din ang dumugan para sa naggagandahang MMA women fighters gaya nina Florivic Montero vs Mary Glyde Elizabeth , Pro MMA (49kg) ; Richard  Lachica vs Daryl Mayormita,  Pro MMA, (63kg.); at Rosemarie Recto vs Gretel Depaz Pro Muay Thai (130lbs). Magsisimula ang salpukan sa alas-4 ng hapon. EDWIN ROLLON