Si dating AFP Chief of Staff Renato De Villa habang nagbibigay ng pahayag sa paglulunsad ng ANIM sa Club Filipino sa San Juan City. SCA
NAGSAMA-SAMA ang anim na sectoral group upang malabanan ang epekto ng corruption at political dynasty sa bansa.
Isinagawa ang launching ng Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan o ANIM sa Club Filipino sa San Juan City Biyernes ng umaga. Kabilang sa anim na sector ang religious group, military and uniformed personnel, business and professional; ang mga kabataan, ang mga kababaihan at civil society organizations.
Ang paglulunsad ay dinaluhan ng mga kilalang personalidad kabilang si CBCP Bishop Jose Colin Bagaforo, dating AFP general Renato De Villa, adviser ng ANIM, dating Comelec Commissioner Gus Lagman, dating UN COA Commissioner at si dating General Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City.
Isinusulong ng ANIM ang national interest ng Pilipinas na ang layon ay matigil ang pagkasira ng bansa at pangalagaan ang kinabukasan ng integridad at ng good governance.
Ayon kay Magalong, korupsiyon ang nagpapabagsak sa bansa lalo na at daan-daang bilyong piso o 18 hanggang 20 porsiyento ng pondo ng Pilipinas ang nauuwi sa korupsiyon o sa bulsa ng ilang pulitiko.
Hinalimbawa ni Magalong ang mga malalaking proyekto ng pamahalaan na nagsisilbing contractor ang mga pulitiko at iba pang opisyal ng gobyerno na sila rin ang suppliers.
Ayon naman kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, kailangang maimplementa na ang anti-dynasty law at ipagtanggol ang dignidad ng mga mamamayan lalo na at napagkakaitan ng pagkakataon ang mga mahihirap.
Ipinunto pa ni Bishop Bagaforo na layon ng ANIM na isulong ang pagpapatupad ng mga probisyon sa 1987 Constitution na nagbabawal sa pagkakaroon ng mga political dynasty sa bansa na sanhi ng malalang korupsiyon.
Layon ng koalisyon na tiyaking marinig ang boses ng taumbayan sa tunay na pagbabago ng ating pamahalaan upang sa ganon ay maramdaman ng bawat Filipino ang isang maunlad na bansa.
Elma Morales