KOBE NAGHAHANDA NA SA BUBBLE

on the spot- pilipino mirror

NAGHAHANDA na si Kobe Paras ng UP Fighting Maroons para sumama sa bubble practice ng Gilas. Katunayan, inihahanda na ni Paras ang kanyang mga sapatos na gagamitin para sa Gilas pool na papasok sa bubble set up sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna ngayong Nobyembre.

Makakasama ni Paras sa National team pool sina Isaac Go, Rey Suerte, Allyn Bulanadi, at ang magkapatid na Matt at Mike Nieto na pawang mga special draft ng pba.

Sinabi ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na hanggang ngayon ay wala pang ibinibigay na clearance ang Inter-Agency Task Force (IATF) for Emerging Infectious Diseases para payagan ang Gilas na magbalik sa ensayo.

Patungo ang Gilas sa susunod na buwan sa Bahrain para  sumagupa sa Group A kontra Korea, Thailand, at Indonesia sa second window ng qualifier.Tangan ng Pinas ang 1-0 record sa pool matapos na manalo sa Indonesia sa Jakarta, 100-70, noong nakaraang Pebrero

o0o

Sa susunod na taon ay sigurado nang makakasama sa kampo ng Brgy Ginebra itong si Greg Slaughter. Hindi na siya nahabol ngayong PBA bubble. Pinaghahandaan na lamang ni Slaughter ang pagbabalik laro sa PBA para sa 46th season ng liga. Ngunit ano itong kumakalat na balita na hindi rin magtatagal si Greg sa Gin Kings kung sakali dahil malamang na ma-trade din siya sa Phoenix Fuel Masters kapalit ni Matthew Wright. Rumor pa lang naman iyan, abangan na lamang natin kung may katotohanan ang balitang ito

o0o

Muling iginiit ng Games and Amusements Board (GAB) na higit na makabubuti sa professional boxing at combat sports na mapatatag at mapalawak ang programa sa pangangasiwa ng ahensiya kumpara sa pagbuo ng hiwalay na komisyon na ang tanging pinag-iba ay ang karagdagang pondo na papasanin mula sa buwis ng mamamayan.

Sinabi ni GAB Commissioner Mario Masanguid na tama ang punto ni Senator Manny Pacquiao na dapat mapangalagaan ang katayuan at seguridad ng mga Pinoy boxer at combat sports fighter, subalit hindi ang pagbuo ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission (PCSC) ang kasagutan dito.

Ang GAB, higit sa pamumuno sa kasalukuyan ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, ay nagsasagawa at patuloy na tumutugon sa pangangailangan ng mga professional athlete, higit ng mga boxer  at combats sports fighter, at patunay ang pagkilala ng iba’t ibang international boxing bodies sa GAB para patunayan ang mataas na level ng pamamahala sa ahensiya.

“While we really support Senator Pacquiao’s desire to advance the interest of Pinoy boxers and other combat sports pro athletes, this initiative to create a new government agency or office may not be a good move as we are facing a pandemic or unprecedented recession and all government resources and efforts are better to be redirected to solve these problems,” pahayag ni Masanguid patungkol sa Senate Bill  No. 193 at Senate Bill No. 805 na itinutulak ni Pacquiao para sa pagbuo ng bagong boxing commission.

Batay sa panukala, kakailanganin ang P150 milyong budget para mapatakbo ang PCSC na binubuo ng isang chairman, apat na commissioners at mga regional director.

“We are talking about P150 million here. These public funds will be utilized to create a new government agency for the purpose of regulating three professional sports (boxing, MMA, and Muay Thai), while GAB, an existing agency since 1950 and with a P140, 598,000 budget allocation, regulates 13 professional sports and 2 activities related to amusements games (international derby and betting aspect of horse racing/ OTBS),” ayon kay Masanguid sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Sports on Air at naka-live stream sa Facebook at Youtube.

“Kinausap ko na ang butihing Senator Pacquiao, sabi ko sa kanya kung ano ang nakikita niyang pagkukulang sa GAB, aayusin namin. Open naman kami dyan at si Chairman Mitra ay talagang handa sa lahat ng suhestiyon para mas maayos ang GAB. So far, protektado ang ating mga boxer, kahit sa panahon ng pandemic, andiyan ang GAB para magserbisyo,” sambit ni Masanguid sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Pagcor, at GAB.

Comments are closed.