KOMEMORASYON SA UNANG REPUBLIKA NG BANSA GUGUNITAIN

Simbahan ng Barasoain

BULACAN – GINUGUNITA ngayon, Enero 23,  ang  ika-121 Anibersaryo ng pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos.

Sa temang ‘Unang Republikang Filipina: Pundasyon sa Pagpapatatag ng Bansa”, magsisimula ang programa sa pamamagitan ng pagtataas ng watawat, panunumpa ng katapatan sa watawat at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hen. Emilio Aguinaldo, unang pangulo ng unang republika.

Pangungunahan ni Senador Ronald  Dela Rosa bilang panau­hing pandangal sa naturang okasyon.

Samantala, nananawagan si Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Filipino lalo na sa mga kabataan na ipagpatuloy ang pagbuhay sa pamana ng unang republika, na ipinaglaban ng mga ninuno upang makamit ang kalayaan ng bansa.

Aniya, “Ang Filipinas ay para sa mga Filipino. Iyan ang nais iparating ng ating mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating bayan. Kaya naman, ang kailangan nating gawin sa panahong ito ay ang mahalin ang ating bansa, pagtangkilik sa sariling atin at ang pagtulong sa kapwa natin Filipinong nangangailangan.”

Bukod kina Dela Rosa at Fernando, inaasahang dadalo sa nasabing okasyon ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan, estud­yante at mga guro, mga beterano, volunteer workers at non-government organizations.

Matatandaang noong nakaraang taon, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang maging batas ang Act No. 11443 o “An act declaring January 23 of every year as a special working holiday in the province of Bulacan in commemoration of the inauguration of the 1st Philippine Republic”. THONY ARCENAL

Comments are closed.