NAGPAHAYAG ng kagalakan si San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes sa pagpasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa panukalang batas na hatiin ang Brgy. Muzon sa kanyang lungsod sa apat na barangay na may kanya-kanyang kalayaan para sa paghahatid ng serbisyo.
Naganap ito matapos sang-ayunan ng Kamara nitong Lunes ang mga pag-amiyendang ginawa ng Senado sa House Bill No. 6866 na naghahati sa Brgy. Muzon sa apat na magkakahiwalay at naiibang barangays na tatawaging Brgy. Muzon, Proper, Muzon East, Muzon West at Muzon South.
Ayon kay Robes, ang Brgy. Muzon ang itinuturing na may pinakamalaking populasyon sa kanyang lungsod na may mahigit 100,000 residente at ang paghahati rito sa apat na barangay ang magiging daan upang mapabuti ang pagkakaloob ng serbisyo sa mga naninirahan. “Splitting the barangay will not alter its administrative status. This will improve the delivery of social services and effectively managing resources for the general welfare of the whole constituency of the city,” ani Robes.
Ang paghahati sa apat na barangay ang magiging paksa sa gaganaping plebesito na isasagawa ng Commission on Elections (Comelec) na gaganapin sa loob ng 90-araw mula sa pagpapatupad ng naturang batas. Ang magugugol na salapi sa gaganaping plebisito ay babalikatin ng lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte.
Ang unang hanay ng mga mauupong opisyal sa bagong barangay ay ihahalal sa isang espesyal na eleksiyon na pangangasiwaan ng Comelec na dapat ganapin ng hindi lalampas sa 90-araw mula sa pag-aproba ng nakararaming boto sa plebisito. Ipagpapatuloy naman ng mga kasalukuyang opisyal ang kanilang panunungkulan hanggang sa panahong mahalal ang hanay ng mga bagong opisyal.
Nakasaad din sa inaprobahang batas na ang mga kasalukuyang pampublikong impraestruktura at pasilidad ay ililipat sa bagong barangay. Sila ay may karapatan din sa bahagi ng Internal Revenue Allotment batay sa ilalim ng Section 285 ng RA 7160 o ang Local Government Code of the Philippines.