KONGRESO NILAPASTANGAN NG PEKENG ABS-CBN/AMCARA DEAL

MASAlamin

UMAAKSIYON na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa panawagan nina Congressman Michael Defensor at Congressman Jesus Crispin Remulla na imbestigahan ang blocktime agreement sa pagitan ng ABS-CBN at ng AMCARA Broadcasting Network na posibleng panloloko lang at tahasang paglapasta­ngan sa legislative powers ng Kongreso.

Ginawa ng dalawang kongresista ang kanilang kahilingan sa NBI nang mabatid sa joint hearing ng Committee on Legislative Franchises at Committee on Good Government and Public Accountability noong Thursday na maaaring hindi isang blocktimer lang ang broadcast giant kundi pag-aari pala mismo nito ang AMCARA.

Matibay ang paniniwala ni Remulla na manloloko ang ABS-CBN at ang blocktime deal nito sa AMCARA ay isang palusot lang para maikutan ang kapangyarihan ng Kongreso pagdating sa legislative franchises.

“Ang lumalabas kasi rito ay may element po ng fraud against the le­gislative powers of Congress,” ani Remulla.

Sa AMCARA iniere ng ABS-CBN ang digital television nito. Kabilang sa mga TV Plus offerings ng ABS-CBN ang CineMO!, Yey!, Tele­Radyo, at KBO na isang pay-per-view channel.

Kahit na nag-isyu ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order (CDO) laban sa Kapamilya network noong May 5 dahil paso na ang legislative franchise nito, patuloy pa rin ang AMCARA sa pagpapalabas ng mga programa ng ABS-CBN sa Channel 43 at TV Plus. Ito ang dahilan kung bakit naglabas ang NTC ng alias CDO laban sa ABS-CBN noong June 30 dahil ang totoo’y covered na pala dapat ng May 5 CDO ang Channel 43 at TV Plus. Hindi lang talaga sumunod ang network!

Isiniwalat ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa nasabing pagdinig na ang AMCARA ay walang equipment at permit sa pag-operate ng digital television.

Ibinunyag din ni Cordoba na nang ihain nila ang alias CDO sa ABS-CBN na may address sa Mother Ignacia Street, Quezon City ay natukoy ng mga NTC engineers na sa compound ng network nanggagaling ang signal ng Channel 43 na siyang naka-assign sa AMCARA.

“Based on the results of the RNS video monitoring equipment, we observed that there is an existing broadcast propa­gation on 6 megahertz band and the result of the measurement shows that the strong signal is emanating from the direction of ABS-CBN’s tower along Mother Ignacia Street, Quezon City,” ani Cordoba.

Naririto pa ang i­lang matibay na ebidensiya kung bakit talagang pagmamay-ari ng ABS-CBN ang AMCARA. Nagsimulang mag-broadcast ang AMCARA gamit ang Channel 23 na naging Studio 23 noong 2010 at ABS-CBN Sports and Action noong 2014. Saka noong 2012, iniulat mismo ng ABS-CBN na mayroon silang 49% ownership sa AMCARA at kabilang ito sa kanilang mga subsidiaries.

Buking na buking!

Comments are closed.