KONSEHAL NAKALIGTAS SA PANANAMBANG

BULACAN – ISANG konsehal sa bayan ng San Miguel ang nakaligtas sa pananambang kamakalawa ng umaga sa Brgy, Camias.

Sa report na tinanggap ni OIC PNP Provincial Director PCol. Satur L Ediong, kinilala ang biktima  na si Richard ” Richie” Dela Cruz y Pelayo, 49-anyos, residente ng nasabing barangay.

Base sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad  ganap na alas-10:40 ng umaga nang maganap ang pamamaril ng riding-in-tandem suspects sa konsehal.

Nabatid na nagpanggap na kliyente sa paupahang commercial building ng biktima, ang isa sa mga suspek.

Ilang saglit pa umalingawngaw isang malakas na putok ng baril, sa likurang bahagi ni Ri­chie, kung saan masu­werteng hindi ito tinamaan.

Matapos ang pama­maril mabilis na tumakas ang mga suspek na lulan ng motorsiklo.

Agad namang nakaresponde ang awtoridad habang naniniwala ang biktima na politika ang dahilan ng tangkang pananambang at ina­ming nakatanggap siya ng banta sa kanyang buhay noong buwan ng Hunyo, kasama ang dalawa pa na konsehal ng bayan.

THONY ARCENAL