PINANGUNAHAN nina Senador Lito Lapid at Director/Actor Coco Martin ang groundbreaking ceremony sa itatayong steel bridge sa Lanatin river, Brgy. Sto. Niño, Tanay, Rizal.
Tinatayang aabot sa P50 milyon ang halaga ng steel girder bridge na makatutulong sa progreso at paglalakbay ng mga residente sa Brgy. Sto. Niño, Tanay at mga karating bayan.
Ipinangako nina Sen. Lapid at Coco Martin ang buong suporta sa pagpapatayo ng tulay para tugunan ang madalas na pagbaha sa ilog ng Lanatin tuwing malakas ang ulan na labis na nakakaapekto sa pamunuhay ng mga residente.
Sa loob ng dalawang taon, sinabi nina Lapid at Coco na saksi ang mga taga-Brgy. Sto. Niño sa kanilang shooting ng teleseryeng “Ang Probinsyano” at naging kaibigan na rin nila ang mababait na residente rito.
Taus-pusong nagpasalamat kina Lapid at Coco ang mga residente ng Brgy. Sto. Niño at ang mga lokal na opisyal sa pangunguna nina Rizal Gov. Nina Ricci Ynares, Cong. Emigdio “Dino” Tanjuatco, III, Mayor Rafael Tanjuatco, Vice-Mayor Rex Manuel Tajuatco at Brgy. Captain Angel Patrimonio.
Sa mensahe ni Gov. Ynares na binasa ni Vice-Governor Junrey San Juan, ang tulay ay sumisimbolo sa progreso at kaunlaran ng bayan ng Tanay na bunga ng pagtutulungan ng mga opisyal ng national at local governments.