KONTRABANDO NASAMSAM SA MGA SELDA PINISAK

Kontrabando

IBA’T ibang uri ng kontrabando na nakumpiska sa mga selda ng mga preso sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang winasak sa pamamagitan ng pagsagasa ng pison sa mga ito kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.

Pinangunahan ni Bureau of Correction (BuCor) Director General Gerald Bantag ang pagsira sa mga kontrabando makaraang masuhin ang mga laptop at iba pang nakumpiskang mga cellphone na ginagamit sa ilegal na transaksiyon ng droga sa loob ng NBP.

Kabilang sa mga sandamakmak na electronic gadgets na winasak sa labas ng NBP matapos ang flag raising ceremony kahapon ang iba’t ibang uri ng cellphone, laptops, powerbank chargers, portable wifi at mga improvised na patalim.

Pahayag ni Bantag na kusa namang isinuko ng mga inmate ang kanilang mga itinagong kontrabando makaraan ang sunod-sunod na pagsasagawa ng clearing operations sa loob ng maximum security compound sa NBP.

Dagdag pa ng BuCor chief na nagsunog din ang mga tauhan ng BuCor ng iba’t ibang klase ng tabako na umabot sa isang malaking drum.

Napag-alaman din na may nag-aalok sa mga NBP prison guard ng P150,000 kapalit ng isang cellphone at ng hindi pumayag ang naturang guwardiya ay itinaas pa ito sa halagang P200,000.

Ayon naman sa intelligence report ng NBP, may banta ‘di umano sa buhay ni Bantag na sinang-ayunan naman ng naturang hepe ng BuCor.

Ani Bantag, hindi siya nababahala sa mga banta na kanyang natatanggap at kanya pang pag-iibayuhin ang kanyang sinimulan na trabaho upang mapigil ang kuropsiyon sa loob ng NBP. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.