KOOPERASYON SA ENERGY INDUSTRY HATID AY SEGURIDAD

Joe_take

BATID natin ang nalalapit na pagkaubos ng suplay ng natural gas mula sa Malampaya na pinagmumulan ng malaking porsiyento ng ating koryente, ngunit wala pa rin tayong nahahanap na long-term na solusyon upang malutas ang hamong ito.

Ang Malampaya ay isa sa mga mahahalaga at malalaking asset ng Pilipinas dahil sa kakayahan nitong makapagsuplay ng koryente sa halos 20 porsiyento ng ating energy requirement.

Dahil dito, kailangan ng ating bansa ang pagkakaroon ng alternatibong mapagkukunan ng koryente upang maiwasan ang mga rotational brownout at magkaroon ng seguridad sa enerhiya para sa mga mamamayan, sa mga negosyo at sa ating ekonomiya.

Sa ilalim ng nagdaang mga administrasyon, hinikayat ng Department of Energy (DOE) ang pagtatayo ng marami pang planta ng koryente, partikular ang renewable energy, upang makamit ang ating layunin tungo sa energy security habang sinusuportahan ang kalikasan sa pamamagitan ng pagbawas ng carbon emission.

Isa sa mga nakikitang solusyon ng kasalukuyang kalihim ng DOE na si Secretary Raphael Lotilla ay ang pagkakaroon ng maayos na relasyon sa mga industry stakeholder, kabilang na rito ang DOE at ERC.

Ayon kay Lotilla, ang pagkakaroon ng healthy relationship sa industriya ay magreresulta sa hassle-free na implementasyon ng mga plano at programa.

Tila maganda ang hinaharap ng Energy industry sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon dahil sa pagiging bukas ng kooperasyon nito para sa pagsasagawa ng mga programa at investment para sa mga konsyumer.

Dagdag pa, panalo natin ang pagkakaroon ng mga may kakayahan sa pamamahala at pamumuno sa mga sangay ng gobyerno sapagkat dahil sa kanilang kaalaman at karanasan, mas mareresolbahan ang mga pangangailangan ng ating bansa pagdating sa suplay ng koryente.

Ang kooperasyon ay susi sa ating pag-unlad, at ang desisyon ng DOE na bigyan ito ng pansin ay isang malaking hakbang tungo sa pagkamit ng mga layunin para sa ating bansa at para sa ating mga konsyumer.

Sa bandang huli, ang kooperasyon at close coordination ay ang pangunahing aakit sa mas marami pang investor na mamuhunan sa ating bansa, magdudulot ng mas maayos na transisyon at progreso sa mga plano at programa, at higit sa lahat, susuporta sa ating pangunahing layunin na magtayo ng marami pang planta para sa ating inaasam na energy security.