PLANTSADO na ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang pagtatatag ng mga kooperatiba sa resettlement sites bilang pagpapalakas sa kampanya ng komisyon na magbigay ng trabaho sa mga mahihirap.
Ayon kay PCUP Chairperson at CEO Alvin Feliciano, hangad ng PCUP na maglatag ng mas malawak pang oportunidad sa mga kapus-palad na komunidad mula sa mga resettlement site sa buong bansa at magbigay ng mga solusyon sa mga isyu at hinaing ng mga nakatira roon.
Sa pakikipagtulungan ng local government units (LGUs), nagsasagawa ang PCUP ng Capability Building Programs (CBPs) sa mga mahihirap na komunidad sa bansa o iyong mga tinatawag na ‘poorest of the poor’ upang magbahagi ng mga kaalaman hinggil sa pagtatatag ng hanapbuhay at mga puwedeng pagkakitaan na makatutulong sa mga kababayang mahihirap na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Nabatid na target din ng PCUP ang mga kabataan na makilahok sa mga programa ng ahensiya, gayundin ang mga lider ng komunidad mula sa iba’t ibang resettlement sites upang magkaroon ang mga ito ng pantay na oportunidad sa mga dekalidad na pagsasanay at kaalaman tungo sa pagtatayo ng mga negosyo at hanapbuhay.
Naniniwala rin ang PCUP na mayaman ang mga komunidad na ito sa lakas paggawa na maaaring makatulong sa pag-abot ng sapat na oportunidad para sa mga maralitang kababayan.
Samantala, sa tulong ng National Housing Authority (NHA) ay pag-iibayuhin pa ng PCUP ang pagkakaroon ng maayos na imprastruktura at pabahay sa mga resettlement site na siyang pangunahing kailangan ng mga maralitang residente.
Nabatid na bukas din ang ahensiya sa pagtanggap ng tulong mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon upang maging katuwang sa pagsasakatuparan ng mga layuning ito. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.