NABABAHALA ang mga negosyante sa Zamboanga Peninsula sa nagbabadyang krisis sa koryente sa rehiyon dala ng nakabimbing kontrata ng mga power producer sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Tinatayang aabot sa P14 milyon ang mawawala sa ekonomiya ng Zamboanga sa bawat oras na makararanas ito ng brownout.
“May mga malalaking planta, hotels, at iba pang negosyo ang talagang apektado kapag nagkaroon ng problema sa koryente dito sa Zamboanga,” ayon sa isa sa mga negosyante sa Zamboanga.
Sa kasalukuyan, ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay may Ancillary Services Purchase Agreement sa Western Mindanao Power Corporation. Pero dahil sa kawalan ng approval mula sa ERC ay hindi pa naipatutupad ang kasunduan ng NGCP at WMPC.
Ang mga ancillary services purchase agreement ay mahalaga sa pagpapanatili ng tamang suplay at boltahe ng koryente na dumadaloy sa mga power grid upang maiwasan ang fluctuations at brownouts sa mga probinsya.
Sa isang social media post ay ipinahayag naman ng Zamboanga City Electric Cooperative ang kahalagahan ng mga ancillary services para sa tuloy-tuloy na operasyon ng mga negosyo sa mga economic zone sa probinsya.
Ganito rin ang naging pahayag ng Zamboanga Chamber of Commerce hingil sa nasabing isyu ng krisis sa koryente.
“Ang krisis sa koryente ay makaaapekto hindi lamang sa mga negosyante kundi maging sa mga residente ng Zamboanga lalo na sa mga oras kung kailan mataas ang demand sa koryente ng isla,” pahayag ng grupo.
VICKY CERVALES