NANINIWALA si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na maiibsan ng bagong pirmang Rice Tariffication Law ang undersupply sa bigas at matutulungan din ang mga magsasaka sa pamamagitan ng P10-B fund.
Ang batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes ay nagpapahintulot sa unlimited importation ng bigas ng pribadong sektor basta magbabayad sila ng 35-percent tariff para sa shipments.
“’Yun ang sistema dito ngayon, kahit sino ay puwedeng mag-import at kailangang magbayad ng taripa na 35 percent,” wika ni Lopez sa isang panayam sa radyo.
Ayon kay Lopez, ang kikitain dito na maaaring umabot sa P10 billion ay siyang ipamamahagi sa local rice farmers. .
Aniya, ang P10-billion Rice Competitiveness Enhancement Fund ay ilalaan para sa seeds, water irrigation at mechanization ng mga magsasaka.
“Para bumaba rin ang cost nila at makakalaban din naman sila sa importation. Para darami ang supply,” dagdag pa ng kalihim.
Ipinaliwanag pa ni Lopez na hindi lamang ang local farmers at importers ang makikinabang sa nasabing batas kundi maging ang mahigit sa 100 million Filipinos na magkakaroon ng access sa murang bigas.
Samantala, magpupulong ngayong araw ang National Food Authority Council para sa implementing rules and regulations (IRR) ng Rice Tariffication Law.
Ayon kay NFA OIC Administrator Tomas Escarez, isasapinal na ng NFA Council ang IRR ng batas na nag-aalis sa quantitative restrictions sa rice imports.
“Kasama kami sa technical working group pero ‘yung final decision dito ay magsisimula sa NFA Council,” sabi ni Escarez.
Kabilang sa mga tatalakayin sa miting ang ‘gray areas’ hinggil sa hinaharap ng NFA at kung ano ang magiging mandato ng ahensiya pagkatapos nito.
Sinabi ni Escarez na hindi pa rin malinaw kung tatanggalin ang regulatory powers ng NFA, at kung magpopokus lang ito sa pagtiyak na may sapat na buffer stock ang bansa para sa pangangailangan nito.
“Kung iko-confine kami sa buffer-stocking, titingnan natin ‘yung optimal level na kailangang i-maintain,” ani Escarez.
Comments are closed.