PARA matigil ang patuloy na pagkalat ng “fake news,” isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na gawing krimen ang pagpapalaganap ng mga mali o mapanlinlang na balita online.
“Ang mga click baits, propaganda at pagmamanipula ng mga lehitimong news segments para makapagpalaganap ng kasinungalingan, maling balita o disinformation ay pangkaraniwan na ngayon kaya mahirap na matukoy kung alin ang totoo sa mga pekeng balita. Masyado ng talamak ang mga ito,” ani Estrada.
Sa paghahain ng Senate Bill No. 1296, sinabi ng senador na layon ng kanyang panukala na masugpo ang paglaganap ng disinformation at maling impormasyon sa internet sa pamamagitan ng pagsama nito sa mga itinuturing na krimen o cybercrime sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Iminungkahi ni Estrada ang pag amiyenda sa Section 3 ng RA 10175 para isali ang “fake news” sa depenisyon ng mga termino at pagsama nito sa Section 4 o ang listahan ng cybercrime offenses.
Sa kanyang SBN 1296, ang fake news o pekeng balita ay tumutukoy sa maling impormasyon at disinformation ng mga kuwento, balita at palabasin ito bilang isang katotohanan ngunit hindi maberipika o makumpirma kung totoo. Maaari rin na ang layunin nito ay baluktutin ang katotohanan at iligaw ang mga tagapakinig nito.
Anang senador, krimen na maituturing sa kanyang panukalang batas ang paglikha at pagpapakalat ng pekeng balita na ginawa sa pamamagitan ng isang computer system o iba pang katulad na paraan na magagamit sa hinaharap.
Maging ang mga survey ay nagpapakita na karamihan sa mga Pilipino ay nahihirapan na makilala ang pagkakaiba ng fake news sa telebisyon, radyo at social media kung saan ang lumabas na survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2021 at inilabas ng Pebrero ng taong kasalukuyan.
Sa nasabing SWS survey, lumabas na 70% o pito sa sampung Pilipinong nasa tamang edad na ang nagsabing malubha na ang problema sa fake news pati na ang paglipana nito sa internet. VICKY CERVALES