KUMALAT NA SHADED NA BALOTA, FAKE NEWS

Comelec Executive Director Jose Tolentino

WALANG shade ng UV o ultraviolet marks ang mga balota na gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) sa May 13 midterm polls.

Ang pahayag ay ginawa ni Comelec Executive Director Jose Tolentino kasunod ng kumalat na video ng isang balota na sinasabing may preshaded UV marks na ang pangalan ng ilang kandidato.

Ayon kay Tolentino, hindi official ballot ng Comelec ang balota na ginamit sa kumalat na video.

Wala rin aniya itong iba pang security marks.

Sinabi pa ng poll official na halata ring gawagawa lang ang nasabing video dahil wala man lang itong QR code.

Iginiit niya na walang inilagay na UV marks sa kahit saang oval sa official ballots at kung mayroon man aniya, tiyak na hindi ito babasahin ng Vote Counting Machines (VCM).

Paliwanag niya, bawat UV marks ay mayroong ispesipikong komposisyon at kung gagamitin ito sa iba at gagawa ng pekeng balota ay kaya itong i-detect ng VCM. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.