BATANGAS- NAKUMPISKA ng mga awtoridad ang tinatayang nasa P3.4 milyong halaga ng shabu mula sa tatlong Chinese national na nakaengwentro ng mga operatiba ng PDEA sa Malvar nitong Huwebes ng hapon.
Ayon sa report ng Malvar police station, dakong ala-1:30 ng hapon nang masabat ng mga tauhan ng PDEA ang tatlong suspek na sakay ng isang kotseng Audi na may plakang UKI 519 sa Lynville 2 Subdivion, Brgy. Santiago, Malvar na nagawa pang makatakas kaya nagkaroon ng hot pursuit operation.
Nagresponde rin ang mga tauhan ng Malvar police station at naharang ang kotse sa southbound lane ng STAR tollway sakop ng Brgy. San Andres, Malvar.
Napilitang sumuko ang mga tatlong sakay na Chinese na kinilala ang isa na si Yanxing Xue at inaalam pa ang pagkakakilanlan sa dalawa.
Isa sa mga ito ang nasugatan sa braso dahil sa barilan. Narekober sa mga ito ang 500 gramo ng shabu na nakalagay sa isang brown paper bag.
Ayon sa PDEA nasa P3, 400,000.00 ang halaga ng nasamsam na iligal na droga.
Nasa kustodiya pa ng PDEA ang mga suspek at inihahanda na ang kaso laban sa mga ito. BONG RIVERA