KUNG BAKIT MAHINA ANG ESTUDYANTENG PINOY SA CREATIVE THINKING

KAMAKAILAN lamang, nagkaroon ng kontrobersiyal na post tungkol sa kababawan ng mga babasahin sa isang sikat na bookstore.

Iminungkahi ng nag-post na dapat umanong basahin ang mga lokal na akda na isinulat ng magagaling na manunulat at ang mga librong nakatutulong na mag-develop ng critical thinking. Negatibo ang reaksiyon ng marami sa post na ito. Anila, mas mabuti nang may binabasa kaysa wala.

Ayon sa isang bagong pag-aaral na isinagawa ng Programme for International Student Assessment (PISA), mahina ang naging performance ng mga estudyanteng Pilipino pagdating sa creative thinking (malikhaing pag-iisip).

Pumangalawa tayo sa pinakamababa, kasama nating nasa ilalim ang Albania, Uzbekistan, at Morocco. Animnapu’t apat na bansa ang kalahok sa pag-aaral na ito.

Ito kaya ay dahil hindi natin nababasa ang tamang mga libro? Ayon kay Rep. Roman Romulo ng Pasig City, tagapangulo ng basic education committee sa House, ang mga resulta ay nagpapahiwatig ng pangangailangan na pagbutihin pa ng ating ang mga batayang kakayahan sa pagbasa, matematika, at agham. Suportado ng mga datos ang punto ni Rep. Romulo. Ayon sa mga pananaliksik, ang mga estudyanteng Pilipino ay nasa pinakamahina sa mundo sa larangan ng matematika, pagbasa, at agham mula noong 2018, ang taon na sumali tayo sa PISA test.

Ngunit paano natin matutulungan ang ating mga estudyante na gamitin ang kanilang imahinasyon at mag-isip nang malikhain? Iminungkahi ni Rep. Romulo na dapat magsimula ito sa pagiging mahusay sa mga pangunahing functional literacy kung tawagin. Kabilang dito ang pag-unawa sa binabasa (reading comprehension) at basic math at science. Mahirap para sa mga estudyante na mag-isip nang malikhain kung hindi nila naiintindihan ang mga pangungusap o mga sitwasyon na inilalarawan sa mga tanong sa pagsusulit.