(Pagpapatuloy)
DAGDAG pa rito, kailangan ding sanayin ang mga guro nang naaayon sa kanilang mga pangangailangan at mga pangangailangan ng kanilang mga estudyante.
Kung ang isang guro ay hindi malikhain, maaaring mahirapan siyang magturo ng pagkamalikhain o hikayatin ang kanyang mga estudyante na maging malikhain. Kailangang magtulungan ang pamahalaan at mga institusyong pang-edukasyon upang bigyan ang mga guro ng kinakailangang kagamitan at pamamaraan upang itaguyod ang isang mas makabago at malikhaing sistema ng pag-aaral.
Kabilang na rito ang mga workshop, tuloy-tuloy na mga programa tungo sa kanilang propesyunal na pag-unlad, at mga bagong estratehiya sa pagtuturo na nagbibigay-diin sa malikhaing pag-iisip at kakayahang lumutas ng mga suliranin.
Ang pagkamalikhain ay nagsisimula sa imahinasyon. Mahalaga ito sa paglikha ng sining tulad ng musika, tula, sining biswal, pelikula, at iba pa. Mas mainam kung magsisimula ang pagtutok dito sa murang edad pa lamang ng isang tao upang siya ay lumaki sa isang malikhaing kapaligiran. Ito ay isang panghabang-buhay na pagsisikap at dapat na maging palagiang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay. Kailangang maisama ang mga malikhaing gawain hindi lamang sa mga paaralan kundi pati na rin sa ating mga tahanan.
Ang mga magulang at guardians ng isang bata ay may mahalagang papel. Sila ang magbibigay ng isang kapaligirang maaaring magtulak upang ang isang bata ay maging palatanong at uhaw sa kaalaman. Ang mga simpleng gawain tulad ng pagkukuwento, pagguhit, at pakikilahok sa malikhaing laro ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa malikhaing pag-unlad ng isang bata.
Tungkol naman sa aking naunang punto hinggil sa pagpili ng mga babasahin o aklat, marahil ay kinakailangan nga na salain ang mga ito kung ang layunin ay magkaroon ng malikhaing pag-iisip ang mambabasa. Hindi tayo magiging malikhain kung patuloy tayong kumukunsumo ng mga babasahin at media na hindi sumusuporta sa ating malikhaing pag-unlad.
Kailangang gampanan ng mga aklatan, paaralan, tindahan ng mga publikasyon, at yaong mga naglalathala ng mga babasahin ang pagpapalaganap ng literatura na humahamon sa isipan ng tao. Mahalagang magkaroon ng kalidad na edukasyon at mahuhusay na mga guro. Sa pamamagitan ng paglilinang ng isang kultura na nagpapahalaga sa pagkamalikhain, maaari magkaroon ng pag-unlad ang ating mga mag-aaral sa larangan ng malikhaing pagiisip at paglutas sa mga masasalimuot na suliranin.