(ni NENET L. VILLAFANIA)
LUMILIPAS ang mga araw at araw-araw din tayong tumatanda. Hindi man natin gaanong na-raramdaman, ayaw man nating aminin, para tayong bulaklak na nagsimula sa butong pananim, na-mukadkad at sa bandang huli, malalanta. Iyan ang batas ng buhay ng tao. Sa mga nakatatanda, tanggap na nilang may hangganan ang buhay.
Nagtanong-tanong ang investigative team ng PILIPINO Mirror upang malaman ang kanilang reaksiyon at ito ang aming napag-alaman.
Verlin de Torres, 73 – Lahat tayo ay mamamatay. Hindi ako takot mamatay, pero sana, habang pinakikinabangan pa ako ng aking mga anak, huwag muna. Para sa kanila kaya ako nabubuhay. Pero kung mamamatay na nga, e ‘di sige. May magagawa pa ba ako? Hiling ko lamang sa Panginoong Diyos na sana ay mamatay ako sa pagtulog. Ayokong umabot sa panahong pandidilatan ako ng anak na nag-aalaga. ‘Pag pahirap ka na ba sa kanila, masisisi mo ba sila?
Carmina Himaya, 81 – Kadami ko na ngang rayuma, at iba pang mga sakit, pero sana magtagal pa ako. Gusto ko pang makasama ang mga anak at apo ko. Pero kung talagang kukunin na ako ng Panginoong Diyos, kompleto sana ang mga anak at apo ko bago ako mawala.
Nini Samaniego, 86 – Pabalik-balik na ako sa ospital. Handa na rin ako. Pero kung malalaman ko kung kailan ako mamamatay, ang una kong gagawin ay gawan ng paraang makasama ko sa lahat ng oras ang aking mga anak at apo at ang lahat ng taong mahal ko. Kung kaya ko, ibibigay ko ang mga kahilingan nila.
Felicitas Tandog, 90 – Dalawang anak ko na ang nauna pa sa akin. Hindi man lamang sila umabot ng sisenta anyos. Siguro, magpapasalamat na lamang ako sa Diyos na binigyan niya ako ng mahabang buhay.
Edying Talegon, 86 – Hihingi ako ng tawad sa mga taong nasaktan ko ng hindi sinasadya kung mayroon man. Puwedeng personal, puwedeng text na lamang o sulat kaya. Patatawarin ko rin ‘yung mga nakasakit sa akin. Hindi naman ako matanimin ng galit, pero mabuti na ring maluwag sa loob kong napatawad sila. At patatawarin ko rin ang sarili sa mga kasalanang nagawa ko noong araw na hindi ko malimutan.
Shane Panganiban, 19 – Pupunta ako sa mga lugar na gusto kong puntahan. Siguro, road trip kasama ang mga taong mahal ko. Manonood ako ng paglubog ng araw sa baybay-dagat o aakyat sa bundok at sisigaw nang sisigaw. Kung mamamatay na nga ako, ang aga naman. Marami pa akong gustong gawin. Itatanong ko sa Diyos kung bakit ang aga ko namang mamatay. Help as much as people who deserve it by your means.
Arnel Villafranca, 39 – Magpapakasaya sa buong anim na buwan, parang walang nabago. Hindi ko sasabihin sa pamilya ko dahil mag-aalala pa sila. Ibibili ko ang anak ko ng lahat ng gusto niya. Gusto niyang bilhin ang buong SM, sige lang. Uubusin ko lahat ng pera ko para maging masaya siya. ‘Pag masaya siya, masaya rin ako.
Eden Chua – Hihingi ng tawad sa Diyos sa lahat ng kasalanan ko, magsisisi at magpapatawad sa mga may kasalanan sa akin. Mas magiging mabait ako sa lahat para makapasok sa kaharian ng Diyos.
Lyndon Plantilla – Magpa-clearance na. Magpapagawa ng Last Will. Bibisita sa isang orphanage at sasamahan sila kahit isang araw lang.
Cathy Cruz – Mangumpisal, ihahanda ang pamilya at sarili sa mangyayari.
Omer Oscar Almenario – Mag-o-order ako ng sarili kong kabaong at doon ako matutulog gabi-gabi para alam ko kung komportableng higaan. Gagawin ko ang mga gusto kong gawin na hindi ko pa nagagawa.
Maria Teresita – Magbibilin ako kung ano ang gagawin sa ‘kin kapag namatay ako. Kung ilang araw ang burol, make-up, damit na isusuot, at service. Aayusin ko na ang mga kaya kong ayusin para hindi sila mahirapan.
Jerome Tandoc – Okay lang. Natubos na ang kasalanan ko, pupunta ako sa langit.
Rosalina Agrava-Gulinao – Mamamasyal at kakain nang kakain kasama ang mahal sa buhay. Manonood ng favorite movies at makikinig sa favorite songs ko.
Michael Lee White – Did you have a doctor tell you this or hypothetical?
Bayani Santos Jr. – Magiging masaya ako at kontento kung malalaman ko kung kailan ako mamamatay. Maaayos ko kasi ang lahat kasama na ang recorded messages of appreciation sa mga taong nagpasaya sa akin. Sisiguruhin kong bago ako mamatay, tatawagan ko ang lahat ng kaibigan at kamag-anak ko para suportahan ang ating independence laban sa China at sa puppet government sa Malacañang. Nagkaroon ako ng heart operation noong 2014, at bawat araw ng buhay ko ngayon ay bonus na.
Nicett Peramo Scherger – Gagastusin ko ang kahuli-hulihan kong pera sa pagsa-shopping, pagkain ng mga pagkaing gusto ko, at magpapakasaya ako – kahit medyo mahirap ‘yung gawin.
Ethel Genuino – Sino’ng maysabi? Doktor? Bakit, Diyos ba siya para taningan ang buhay ko?
Nabasa po ninyo ang mga komento nila. Ako, kung talagang mamamatay na ako at alam ko kung kailan, gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin na hindi ko pa nagagawa at patatawarin ko ang lahat ng taong nagkasala sa akin para wala akong pagsisisihan at wala akong dalahin sa konsensiya sa pagdating ng tamang oras. Kung kayo po ang nasa ganoong sitwasyon, ano ang gagawin ninyo?
Comments are closed.