IGINIIT ni Senador Francis Tolentino na labag sa kapapasa pa lamang na COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 ang panukalang ‘no vaccine, no work’ policy para sa mga manggagawa.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag matapos na pumalag ang ilang labor groups sa ulat na ilang mga manggagawa mula sa iba’t ibang kompanya ang minamanduhan ng kanilang mga employer na sapilitang tangkilikin ang mga ilalatag na company-sponsored vaccination bago muling makabalik sa trabaho.
Paliwanag ni Tolentino, malinaw sa Section 12 ng Republic Act No. 11525 na ang bakuna kontra COVID-19 ay hindi puwedeng ituring na dagdag resikitos para sa paaralan, trabaho, at iba pang transaksiyon sa gobyerno.
Ang nasabing probisyon ay mula sa amyendang ipinanukala ni Tolentino noong sinususugan ng Senado ang nasabing batas nitong Pebrero.
Layunin ng Section 12 na alisan ng dagdag pasanin ang mga Filipino dahil posibleng gawing resikitos sa pribadong sektor ang pagkakaroon ng COVID-19 vaccination card sa kanilang mga empleyado.
Protektado rin sa ilalim ng batas ang mga estudyante at mga manggagawa, kabilang na ang mga OFW mula sa posibleng danasing diskriminasyon kung magpasiya ang mga itong hindi magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19.
Ani Tolentino, wala pang naipapasang batas ang Kongreso na naglalayong gawing sapilitan o puwersahan ang pagpapabakuna, maging ito man ay sa COVID-19 o sa iba pang nakahahawa o nakamamatay na sakit. VICKY CERVALES
Comments are closed.