BUKOD sa proteksiyon laban sa fake bookings at mapanlinlang na mga order, sinabi ni Senador Win Gatchalian na nararapat ding masiguro ang kapakanan ng mga delivery rider laban sa mga mapang-abusong customer.
Ang panawagang ito ni Gatchalian ay kasunod ng nag-viral na video sa internet ng isang food delivery rider na sinaktan ng customer dahil lang sa wala siyang dalang panukli.
Sa gitna ng pangyayaring ito, nagkataon namang aprubado na ng Senado sa third at final reading ang Senate Bill No. 2302 o ang panukalang “Food, Grocery, and Pharmacy Delivery Services Protection Act” na naglalayong parusahan ang mga tumatrato nang hindi tama sa mga delivery rider tulad ng panlilinlang sa kanila sa pamamagitan ng paggawa ng mga pekeng order sa online o tumatangging tumanggap ng hindi pa bayad ngunit kumpirmadong order. Si Gatchalian ay co-author ng nasabing panukalang batas.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mambabatas matapos kumalat ang nasabing video kung saan makikita ang pananakit ng customer sa isang delivery rider dahil wala itong dalang sapat na panukli sa kanyang P1,000 bill.
“Anumang klaseng pang-aabuso sa kapwa, nang dahil lang sa hindi pagkakaintindihan, ay hindi katanggap-tanggap. Hindi dahil customer ay palagi nang tama. Walang dahilan upang pagmalabisan ang mga delivery rider na naghahanapbuhay ng marangal,” sabi ng senador.
Ayon kay Gatchalian, nakasaad sa committee report ng panukalang Internet Transactions Act ang probisyon na nagbibigay proteksiyon sa mga delivery carrier. Sa ilalim ng Section 13 (c), magiging labag sa batas para sa mga customer ang panghihiya, pagmumura, at panlalait sa mga online delivery partner.
Ang sinumang lalabag sa probisyong ito ay mapaparusahan ng arresto mayor o multang mahigit sa P100,000.
“Sakaling maging ganap na batas na itong mga panukalang ito, mabibigyan na ng sapat na proteksiyon ang mga delivery riders laban sa mga customer na mapang-abuso, mapanghamak, at nanghihiya nang wala sa lugar,” sabi pa niya.
Tiniyak din ni Gatchalian na may mga sapat na probisyon ang dalawang nasabing panukalang batas na nagtitiyak ng proteksiyon sa karapatan ng mga consumer, mga taong nasa online selling, at mga delivery personnel. VICKY CERVALES