S. KOREA – INAASAHANG iuuwi na sa kaniyang pamilya ang labi ng overseas Filipino worker (OFW) na natagpuan sa isang septic tank sa bansang ito.
Sinabi ng kapatid ng biktimang si Angelo Claveria na inihahanda na ang mga dokumento para sa repatriation ng labi at maaaring maiuwi ngayong linggo sa Cabatuan, Iloilo.
Una nang binigyan ng authorization ng magulang ni Claveria si Glen Corpin, Assistance to Nationals officer ng Philippine Embassy sa South Korea, para maproseso ang pagpapauwi sa labi ng OFW.
Tiniyak naman ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) na mabibigyan ng tulong pinansiyal si Claveria para magamit sa kanyang pagpapalibing habang ang sobra ay mapupunta sa kanyang ina.
Si Claveria ay nagtungo sa South Korea bilang metal cracker noong 2014 at naiulat na missing noong December 2015.
Ang kanyang labi ay natagpuan sa septic tank sa factory kung saan siya nagtatrabaho habang nililinis ito.
Naniniwala ang pamilya Claveria na kasamahang Pilipino ang pumatay sa biktima. CAMILLE BOLOS
Comments are closed.