KAPAG sumuko ka, talo ka! ‘ika nga na kadalasan nating naririnig na payo mula sa taong hinihikayat tayong lumaban at magpursige para malagpasan ang mga pagsubok o ‘di kaya, magtagumpay at maabot ang pangarap.
Sa unang bahagi ng ika-labing isang anibersaryo ng pahayagang ito na ang tema ay tungkol sa pagtayo o “Stand-up!”, ibinahagi natin ang mga naging instrumento para tulungan ang ating mga kababayan na labis na naapektuhan ng pandemya dulot ng Covid-19 – na magkaroon ng panimulang puhunan at magabayan sa kanilang maliit na negosyo.
Pagkatapos nating pagdaanan ang delubyo o anumang mabibigat na problema, laging pakaiisipin na hindi pa huli ang lahat—damhin natin ang lungkot, umiyak kung kinakailangan pero laging tatandaan, walang pagsubok na hindi natin kayang lagpasan—lahat nang ito ibinigay sa atin hindi para pahirapan tayo kundi para ihanda tayo sa mas malaking oportunidad na siyang magdadala sa atin sa pinapangarap na tagumpay.
Dahil napagdaanan na natin ang mga mabibigat na pagsubok, panahon naman na para muling matupad ang pangarap. Magsimulang muli. Kahit gaano pa man kabagal ng pagsisimula, ang mahalaga, mayroon kang ginagagawa at unti-unting nababawasan ang bigat ng iyong bagahe.
Muling mangarap—magkaroon ng sariling bahay at lupa, kotse, stable na hanapbuhay o negosyo at nakapagtatravel sa magagandang lugar sa loob at labas ng bansa—nakatutulong ang pag-manifest sa gusto nating makamit at higit sa lahat, samahan lagi ng dasal at pagsisikap.
Kami sa PILIPINO Mirror ay hindi lamang naghahangad na makapagbigay ng maiinit na balita, adbokasiya rin naming ang matulungan ang ating mga kababayan na maihon ang antas ng pamumuhay sa pamamagitan ng mga kuwento at impormasyon sa pagnenegosyo at pananalapi. Dahil dito, makakaasa kayong patuloy naming aasamin na maging mabuting ehemplo sa mundo ng tapat na pagbabalita at pagbibigay ng makabuluhang impormasyon.
-CRIS GALIT