LACSON CAMP KAY ROBREDO: IDEKLARA SA PUBLIKO NA WALA KANG KAUGNAYAN SA KOMUNISTA

Panfilo Lacson

TINUGON ng kampo ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ng isang hamon na harapang itanggi o kumpirmahin ni Vice President Leni Robredo ang al­yansa ng komunistang grupo sa kandidatura sa pampanguluhang halalan.

Ayon kay dating House Committee on Public Order and Safety chairman at tagapagsalita ni Lacson sa peace and order na si Ret. Ge­neral Romeo Acop, ito ay upang direktang mabatid ng taumbayan ang totoong relasyon ni Robredo sa mga komunista.

Maging ang senatorial candidate na si Antonio Trillanes ay hinamon din ni Acop na patuna­yan ang katuwiran nitong walang nakapasok na elemento ng komunismo sa grupo ni Robredo.

“Wala nang ginawa ang mga ‘kakampink’ kundi paratangan si Ping Lacson ng red-tagging pero hindi naman nila masabi sa publiko kung may direkta silang al­yansa sa Makabayan Bloc na ayon na rin sa ayaw umuwi na si Jose Maria Sison—na nasa likod ng pagkakalikha ng mapaminsalang CPP-NPA—ay kabilang sa kanilang mga front organization,” saad ni Acop sa isang pahayag.

Hindi umano basta dapat na ipagwalang-bahala ng kampo ni Robredo ang isyung ito dahil malalagay sa alanganin ang kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipino lalo na ang mga nasa kanayunan, ayon pa kay Acop. “Higit diyan, nanganganib na malagas ang ating mga pulis at kasundaluhan. Sino pa ang magtatanggol sa atin kung ganu’n?” aniya.

“Hindi ko maubos-maisip kung saan pupulutin ang gobyernong may sarili nang sandatahang lakas na nakabatay sa Saligang Batas na pomoprotekta sa estado ay lalabas na nakikipagmabutihan din sa grupong hindi kumikilala, sumasalungat at gustong maghari-harian sa pamahalaan,” diin pa ng dating mambabatas at heneral.

Inisa-isa rin ni Acop ang mga ibinibintang ng mga kritiko kay Lacson, tulad na lang ng pagkaantala ng pensiyon ng mga Military and Uniformed Personnel; pagbabawal sa mga pulis na magdala ng baril kapag hindi naka-duty; gayundin ang pinalulutang na naghihintay na lamang aniya ang presidential candidate na bayaran ng P500 milyon para umatras sa kanyang kandidatura.

Nakahanda umanong harapin ni Acop ang mga nagpaparatang na ito kay Lacson para matauhan sila sa kanilang mga walang batayang pani­nira sa batikang lingkod-bayan at dating hepe ng Philippine National Police.

“Malayong malayo ito sa katotohanan dahil kilala ko si Ping Lacson mula ulo hanggang paa bilang senior classman niya sa PMA at comptroller ng pamunuan niya ang PNP. Kaya kong magbigay ng pruweba sa bagay na ito,” saad ni Acop.

Aniya, ang mga naglalabasang ito ay pawang kasinungalingan at malinaw na ginagamit upang takpan umano ang katangian ni Lacson bilang “nababagay na lider, panggiyera, sa ilalim ng situwasyon na kinakaharap ng bansa.”

Ayon pa kay Acop, “Kung tatanungin ninyo ako kung sino ang nasa isip kong maaring nagpapakalat nito laban kay Ping Lacson, ang sagot ko ay ganito- marahil ay pareho tayo ng iniisip.”