LACSON ‘KINAIN NANG BUHAY’ MGA KALABAN SA DEBATE

NANINDIGAN si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang programa na ibangon ang micro-small- and medium-enterprises (MSME) na pinaluhod ng pandemya sa idinaos na unang serye ng “Pilipinas Debates 2022: The Turning Point.”

Ang naturang debate ay inorganisa ng Commission on Elections (COMELEC) gabi ng Sabado sa Sofitel Hotel sa Pasay City at dinaluhan ng siyam na kandidato sa pagkapangulo. Unang tinanong ang mga lumahok kung anong sektor ang uunahin nilang tulungan para makabawi ang ekonomiya ng Pilipinas.

Kalmadong inilahad ni Lacson ang kanyang solusyon sa nabanggit na problema. Ipinaliwanag niya na nasa 99.5 porsiyento ng Pinoy enterprises ang napapabilang sa MSME at nasa 400,000 mga manggagawa sa sektor na ito ang nawalan ng trabaho nang mapilitang magsara ang mga negosyo bunga ng pananalasa ng COVID-19.

“Ang kailangan unahin magkaroon ng fiscal—comprehensive, ano—fiscal stimulus, ‘yung targeted at saka comprehensive na fiscal stimulus para sa ating mga MSME. Tulungan natin silang ibangon kasi napakalaki ng tama sa      ating ekonomiya nangga­ling sa sektor ng MSMEs,” seryosong tugon ni Lacson.

Matapos ang naturang sagot ay mistula naman siyang ginaya ng iba pang mga dumalo sa debate na sina Vice President Leni Robredo at kapwa senador na si Manny Pacquiao, habang ang iba namang kandidato tulad ni Manila Mayor Isko Moreno ay nagsabing uunahin ang sektor ng agrikultura.

Tugon naman ni Lacson sa bagay na ito, bagama’t hindi rin dapat na kalimutan ang sektor ng agrikultura, nasa 10 porsiyento lamang ang kontribusyon nito sa gross domestic product (GDP) ng bansa at nasa 22 porsiyento lamang ng buong labor force ng bansa ang nasasakop nito, kaya dapat na mas unahin ang MSMEs.

Binanggit din ni Lacson sa huling bahagi ng debate ang kanyang mga pinagdaanan habang nasa serbisyo publiko.

Giit ni Lacson na sa lahat ng aspirante sa pagka-Pangulo, siya lamang ang aktuwal na nagsugal ng buhay sa pagligtas sa pa­nganib ng sinuman.

“Among all the presidential aspirants, narito man o laging absent, walang sinuman kundi ako ang sadya at aktwal na nagsugal ng sariling buhay sa pagligtas sa panganib ng sinuman. “

“It takes a leader, who is competent, qualified, and experienced, to turn the promises of unity, bilis aksyon, angat buhay into reality. Kailangan natin ng pangulo na handang ipag­laban kayong lahat para ipanalo ang sambayanang Pilipino,” ayon pa kay Lacson.