MAKATI CITY – SUGATAN ang dalawang babaeng opisyal ng Bureau of Customs (BOC) matapos na sila ay harangin at barilin ng apat na hindi kilalang suspek kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Maricon Manalo, 56, OIC sa Formal Entry Division (BOC) at nakatira sa 5060 Rosanna St., Parkview Homes, Barangay Sun Valley, Parañaque City; at Marietta Lasac, 60, principal appraiser sa naturang division ng BOC at nakatira sa Barangay Sun Valley, Parañaque City.
Ang dalawang biktima ay kasalukuyang naka-confine sa Makati Medical Center matapos na magtamo si Manalo ng tama ng baril sa kaliwang kamay samantalang si Lasac ay nagtamo ng bala ng baril sa katawan.
Base sa imbestigasyon ng pulisya ang insidente ay naganap dakong 8:30 ng gabi sa panulukan ng Lapu-Lapu Avenue at Victoria St., Barangay Magallanes, Makati City.
Ayon sa pulisya, ang dalawang biktima kasama ang kanilang staff na si Charlene Salazar ay sakay ng kanilang sasakyan na isang kulay gray Toyota Altis na may plakang DAH-4106 papauwi sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.
Pahayag ng mga biktima na bigla silang hinarang ng isang sasakyan na lulan ng apat na kalalakihan.
Dagdag pa ng mga biktima na sila ay pinipilit na bumaba ng apat na kalalakihan sa kanilang sasakyan at isa rito ay binasag ang salamin ng bintana ng kotse sa drivers seat kung saan si Manalo ang nagmamaneho.
Agad namang inatras ni Manalo ang kanilang sasakyan upang makaiwas sa kapahamakan subalit sila ay pinagbabaril ng apat na suspek.
Pagkatapos nang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek at ang mga biktima naman ay mabilis na dinala sa nabanggit na ospital ng rescue team.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga pulis at inaalam na rin kung may kinalaman sa trabaho nila sa BOC ang naganap na pamamaril sa mga biktima. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.