LADY BULLDOGS SA SSL FINALS

WINALIS ng reigning champion National U ang Adamson, 25-13, 26-24, 25-20, upang bumalik sa finals sa Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 nitong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.

Binura ng Lady Bulldogs ang 22-24 deficit sa second set bago sumandal sa mainit na simula sa clincher para sa isa pang straight-sets victory.

Ito ang ika-7 sunod na sweep para sa NU squad na nangailangan lamang ng 83 minuto para kunin ang panalo sa knockout semifinals sa pangunguna nina skipper Erin May Pangilinan at  reigning MVP Alyssa Solomon.

Makakasagupa ng NU ang magwawagi sa Far Eastern U o University of Santo Tomas na naglalaro pa hanggang  press time sa best-of-three finale ng SSL Season 2 na suportado ng Commission on Higher Education at ng  Philippine Sports Commission.

Nagpakawala si Pangilinan ng 11 points sa 7 hits, 2 blocks at 2 aces, kabilang ang clutch hits sa pivotal second set habang nag-ambag si Solomon ng 10 points sa 7 attacks, 2 blocks at 1 ace.

Nag-ambag sina dating  UAAP Rookie-MVP Mhicaela Belen, Evangeline Alinsug at rookie Arah Ella Panique ng 9, 8, at 7 points, ayon sa pagkakasunod-sunod, para sa tropa ni returning mentor Norman Miguel.

“We have to check first kung sino makakalaban namin. From there, doon na manggagaling lahat ng adjustments namin. But again, ganoon pa rin naman sa finals kung ano yung tinatrabaho namin,” sabi ni Miguel, binanggit ang passing, blocking at floor defense bilang areas of improvement para sa kanyang tropa.

“Going into the finals, dapat sabay-sabay ang kundisyon nila. Yun ang kailangan naming trabahuhin.”

Umiskor sina Jamili, Ayesha Juego at Jen Villegas ng tig-7 points para sa Adamson, na makakaharap ang matatalo sa  FEU- UST duel para sa bronze medal.