LADY BULLDOGS SISIMULAN ANG 3-PEAT BID SA SSL

Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)
1 p.m. –- UE vs Perpetual
3:30 p.m. — San Beda vs Arellano
6 p.m. — NU vs Ateneo

SISIMULAN ng National University ang kanilang three-peat quest sa pagsagupa sa Ateneo de Manila University sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship ngayong Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.

Nakatakda ang laro sa alas-6 ng gabi kung saan asam ng Lady Bulldogs ang mainit na simula sa kanilang kampanya upang makumpleto ang season sweep matapos pagharian ang National Invitationals noong nakaraang Hulyo.

Ipaparada ang intact lineup na pinangungunahan nina SSL ambassador Bella Belen, reigning tournament Most Valuable Player Alyssa Solomon, top setter Lams Lamina at Arah Panique, ang NU ay nananatiling title favorite sa torneo.

Ang Lady Bulldogs ay hindi pa natatalo sa lahat ng 24 laro ng tatlong kumpetisyon na kanilang nilahukan sa SSL magmula noong 2022.

Ang NU sa ilalim ni bagong coach Sherwin Meneses ay sariwa sa pagkatawan sa bansa sa Asian Women’s Club Volleyball Championship sa Thailand, kung saan tumapos ito sa sixth sa eight-team field.

Sa kabila na dehado, ang Blue Eagles ay determinadong makasilat matapos ang kapana-panabik na reverse sweep kontra San Beda University, 22-25, 20-25, 25-21, 25-21, 15-7, noong Sabado.

Samantala, target ng University of the East ang back-to-back wins sa pagharap sa debuting University of Perpetual Help System Dalta sa 1 p.m. Pool B curtain-raiser.

Dinispatsa ng Lady Red Warriors ang Lyceum of the Philippines University, 24-26, 25-21, 25-22, 25-14, noong nakaraang Biyernes sa likod ng 20-point outing ni Jelai Gajero.

Puntirya naman ng Arellano University ang ikalawang sunod na panalo at patatagin ang kapit sa top spot sa Pool A kontra San Beda sa alas-3:30 ng hapon.

Winalis ng Lady Chiefs ang Emilio Aguinaldo College, 25-17, 25-16, 25-12, noong nakaraang Linggo upang matikas na simulan ang kanilang kampanya.