LADY BULLDOGS, TIGRESSES AGAWAN SA NO. 2 SPOT

Standings W L
Women
*DLSU 12 1
*NU 9 3
*UST 9 3
*AdU 9 4
FEU 6 7
Ateneo 4 9
UP 1 11
UE 0 12

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
9 a.m. – UST vs NU (Men)
11 a.m. – UST vs NU (Women)
3 p.m. – UP vs UE (Women)
5 p.m. – UP vs UE (Men)

MAGSASALPUKAN ang University of Santo Tomas at National University sa krusyal na laban na may malaking implikasyon para sa nalalabing twice-to-beat slot sa UAAP women’s volleyball Final Four ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Target ng Tigresses na makaulit sa Lady Bulldogs sa 11 a.m. contest, kung saan pinutol ng España-based squad ang 20-match winning streak ng defending champions nang magharap ang dalawang koponan sa first round noong nakaraang March 4.

“Parehas kami ni National University na gustong manalo of course,” sabi ni UST coach Kungfu Reyes.

“Nandito na kami sa Top 4 pero may ranking pang tinatawag. So si NU at si UST, kung sinong manalo doon mataas ang percentage na kumuha ng no. 2 spot sa Final 4.”

“’Yun naman ang ine-aim namin. Nandito na kami sa Top 4, we aim higher.”

Ang Tigresses at Lady Bulldogs ay kasalukuyang tabla sa 9-3, kung saan ang mananalo ay makakakuha ng solo second at makasisiguro ng playoff para sa nalalabing twice-to-beat slot sa Final Four.

Ang walang larong Adamson, na may 9-4 kartada, ay nasa kontensiyon pa para sa No. 2 slot dahil makakatabla nito ang matatalo sa UST-NU match sa third at fourth spots.

Umaasa si Eya Laure, ang league-leading scorer na may 223 points, na makatutulong ang mataas na morale ng Tigresses laban sa Lady Bulldogs.

Ang UST ay nanalo sa kanilang huling apat na laro, tampok ang streak-busting five-set win laban sa La Salle noong nakaraang April 2.

“’Yung kumpiyansa na meron kami ngayon, kung sinumang tumapak sa court gagalaw at magtatrabaho. ‘Yun ang pinakaimportante once the kung sinong nilista ni coach sa papel nandoon ka na, kailangan prepared ka,” sabi ni Laure.

Sinabi ni reigning MVP Mhicaela Belen na magiging krusyal ang lahat ng nalalabing elimination round matches ng NU sa final ranking ng koponan para makaiwas sa lower half ng Final Four.

“Importante po ‘yung remaining games namin kasi doon makikita kung saan kami sa apat. Balik lang kami sa training, paghahandaan lang po namin yung next games namin,” sabi ni Belen, ang No. 5 scorer ng liga.

Maghaharap naman ang also-rans University of the Philippines at University of the East sa isa pang women’s match sa alas-3 ng hapon.