LADY BULLDOGS VS GOLDEN TIGRESSES SA SSL FINALS

Mga laro sa Biyernes:
(Rizal Memorial Coliseum)

9 a.m. – AU vs ADMU

11 .m. – UE vs CSB

2 p.m. – AdU vs FEU

5 p.m. – NU vs UST

NAISAAYOS ng University of Santo Tomas, minsang nalagay sa bingit ng pagkakasibak, ang titular showdown sa National U makaraang pataubin ang Far Eastern U, 25-21, 25-20, 19-25, 25-20, sa knockout semifinals ng Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 noong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.

Kuminang si super rookie Angeline Poyos na may 21 points sa 17 hits at 4 blocks para sa Golden Tigresses na pinalakas ang  title bid matapos na muntik masayang ang  twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Nagdagdag sina Jonna Perdido at Regina Jurado ng 15 at 14 points, ayon sa pagkakasunod, para sa UST sa pagsasaayos ng rematch kontra  reigning champion NU matapos ang semifinal duel sa inaugural season.

Maghaharap ang UST at  NU, na winalis ang Adamson sa isa pang  semis bracket, sa Biyernes para sa Game 1 ng best-of-three finals series ng SSL Season 2 na suportado ng Commission on Higher Education at ng  Philippine Sports Commission.

“Gusto ko ‘yung attitude ng mga bata. Hindi sila basta bumigay. Nilaban nila ‘wag lang maulit ‘yung sa St. Benilde. Hindi sila bumitaw. ‘Yun ang natutunan namin. Wala talagang bumitaw,” sabi ni deputy mentor Lerma Giron kapalit ni head coach Kungfu Reyes.

Naitala ng Golden Tigresses ang dalawang sunod na panalo matapos ang  22-25, 25-23, 25-18, 23-25, 11-15 pagkatalo sa Lady Blazers sa Game 1 ng quarterfinals.

Armado ng win-once bonus, dinispatsa ng UST ang St. Benilde, 25-15, 25-16, 19-25, 32-30, sa Game 2 upang umusad sa semis.

Yumuko ang UST sa NU sa SSL Season 1 semis, 23-25, 25-23, 21-25, 17-25, bago tumiklop sa Adamson sa bronze-medal match para magkasya sa fourth place.

Nalasap din ng Golden Tigresses ang 19-25, 20-25, 16-25 pagkatalo sa Lady Bulldogs sa elimination round ngayong season ngunit umaasa ng ibang resulta sa finals.

Samantala, umiskor si Chenie Tagaod ng 16 points para pangunahan ang Lady Tamaraws sa semis exit makaraang pagharian ang playoff group.

Nagdagdag sina Faida Bakanke at Kiesha Bedonia ng 12 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Tamaraws, na may tsansa pa sa podium finish laban sa Lady Falcons sa bronze medal match.