LADY EAGLES, LADY SPIKERS TUMATAG SA ‘1-2’ SPOTS

UAAP Season 81 women’s volleyball tournament

Mga laro sa Miyerkoles:

(Filoil Flying V Centre)  

8 a.m. – AdU vs UE (Men)

10 a.m. – UST vs Ateneo (Men)

2 p.m. – NU vs FEU (Women)

4 p.m. – UST vs UP (Women)

NAPATATAG ng Ateneo at ng defending champion De La Salle ang kapit sa 1-2 spots nang pataubin ang kani-kanilang katunggali sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.

May limang players na umiskor ng double-digits, nalustan ng Lady Eagles ang second set hump upang sibakin ang National University, 25-14, 24-26, 25-17, 25-19,  habang nagbuhos si rookie Jolina dela Cruz ng 13 points at 10 digs nang magaan na dis-patsahin ng Lady Spikers ang also-ran Adamson University, 25-15, 25-18, 25-16.

Ginawang pormal ang pagpasok sa ‘Final Four’ sa ika-10 sunod na pagkakataon,  at ika-11 sa huling 12 seasons, ang Ateneo ay umangat sa league-best record nito sa 10-1.

Sa ika-8 panalo sa 11 laro, kumawala ang  De La Salle sa University of Santo Tomas at Far Eastern University, tabla sa third spot sa 7-4, sa karera para sa ikalawang twice-to-beat incentive sa Final Four.

Tumipa sina Jules Samonte at Kat Tolentino ng tig-13 points para sa Lady Eagles, humataw si Maddie Madayag ng limang blocks upang magtapos na may 12 markers, habang nag-ambag sina Ponggay Gaston at Bea de Leon ng tig-10 points.

Sa men’s division, nagtala si Bryan Bagunas ng 23 hits at 12 receptions nang lumapit ang titleholder NU sa pagkopo ng twice-to-beat semis incentive sa pamamagitan ng  25-20, 25-21, 25-16 panalo laban sa De La Salle,  habang kumana si Jude Garcia ng 11 points, 7 receptions at 6 digs upang pangunahan ang  FEU sa 25-18, 25-19, 25-12 panalo kontra University of the East at gawing pormal ang pagpasok nito sa susunod na round.

Comments are closed.