LADY FALCONS PATATATAGIN ANG KAPIT SA NO. 2 SPOT

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
9 a.m. – UP vs Ateneo (Men)
11 a.m. – UP vs Ateneo (Women)
3 p.m. – NU vs AdU (Women)
5 p.m. – NU vs AdU (Men)

MAGSASALPUKAN ang National University at Adamson sa larong may malaking implikasyon sa karera para sa twice-to-beat Final Four incentive sa pagpapatuloy ng UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Ang Lady Bulldogs ay maagang nasubukan sa kanilang title-retention bid sa pagdispatsa sa Lady Falcons, 25-22, 25-19, 25-27, 22-25, 15-10, noong nakaraang March 1.

Pagkatapos ay ang first-round defeat sa University of Santo Tomas at ang back-to-back losses sa La Salle na nagbigay sa NU ng ‘reality check’.

Makaraang matalo sa Lady Spikers ng dalawang beses, nais ni reigning MVP Mhicaela Belen na makita ang renewed Lady Bulldogs sa krusyal na yugto na ito ng season.

“From that point, nag-move forward na kami and nag-promise sa sarili namin na dapat na hindi na iyon maulit. Inumpisahan namin iyon sa training,” sabi ni Belen makaraang walisin ng NU ang University of the Philippines, 25-20, 27-25, 25-20, noong nakaraang April 1.

“For me, kailangan kami maging prepared physically and mentally. Kasi hindi lang naman po ang katawan ang dapat namin alagaan eh,” dagdag pa niya.

Nasa fourth place na may 6-3 kartada, ang Lady Bulldogs ay isang laro ang layo sa No. 2 spot, na may twice-to-beat bonus sa Final Four.

Tangan ng Lady Falcons, nanalo sa kanilang huling tatlong laro, ang 7-2 record sa second spot na nais nilang patatagin, habang ang Tigresses, na pinutol ang nine-game winning streak ng Lady Spikers bago ang Holy Week break, ay hindi nalalayo.

Ang UST ay may 7-3 marka sa third place.

Para kay Kate Santiago ng Adamson, ang passing ay magiging isa sa mga pangunahing susi para maiganti ang kanilang first-round loss sa NU.

Nakatakda ang NU-Adamson duel sa alas-3 ng hapon.