PASAY CITY – ARESTADO ang isang lady guard ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos itong makitaaan ng baril na walang lisensya habang ini-inspection ang kanyang dalang gamit sa loob ng Metro Rail Transit (MRT) EDSA-Taft Avenue Station kahapon ng umaga.
Kinilala ni acting Pasay police chief Sr. Supt. Bernard Yang ang inarestong si Emelyn Batocabe Zapra, lady guard ng Advance Forces Security and Investigation Services Inc. na nakatalaga sa NAIA Terminal 3.
Ayon sa report ng Pasay City police sa Southern Police District (SPD), inaresto si Zapra dakong alas-7:35 kahapon ng umaga sa MRT-EDSA-Taft Station.
Napag-alaman na dumating si Zapra sa naturang estasyon ng MRT at nang ipasuri ang kanyang dalang backpack sa X-ray machine ay nakita sa monitor ng naka-duty na guard na si Michael Mendez ang isang .9mm pistol na may walong bala at nakabalot sa plastic.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpaliwanag si Zapra na matapos ang kanyang duty ng alas-6:00 kahapon ng umaga sa NAIA ay agad siyang nagbihis sa comfort room sa airport at di niya namalayan na nailagay niya ang gamit niyang service firearm sa kanyang backpack.
Dagdag pa ni Zapra, nakaligtaan niyang iwan ang kanyang gamit na baril sa airport dahil sa sobrang pagod nito sa kanyang duty at nagmamadaling makapunta sa kanilang opisina sa Quezon City upang kunin ang kanyang suweldo at agad na makabili ng gamot para sa kanyang may sakit na asawa.
Nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at Omnibus Election Ban si Zapra na kasalukuyang nasa kustodiya ng Pasay City police. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.