LADY SPIKERS BALIK SA PORMA

lady spikers

Mga laro sa Sabado:

(Mall of Asia Arena)

8 a.m. – AdU vs UP (Men)

10 a.m. – NU vs Ateneo (Men)

2 p.m. – UE vs FEU (Women)

4 p.m. – UP vs Ateneo (Women)

MAGAAN na dinispatsa ng De La Salle ang National University, 25-20, 25-18, 25-10, upang makabalik sa porma sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil Flying V Centre.

Ibinigay ni Desiree Cheng ang dalawa sa walong service aces ng Lady Spikers upang tumapos na may 17 points at pangunahan ang panalo ng defending three-time champions, na lubha nilang kailangan para manatili sa top 2.

Nauna rito ay kumana si Cait Viray ng career-high 14 points nang rumesbak ang University of Santo Tomas mula sa naunang pagkatalo sa Ateneo sa pamamagitan ng 25-15, 25-12, 25-16 pagbasura sa Adamson University upang uma­ngat sa 6-3 kartada at manatiling kasalo ang De La Salle sa ikalawang puwesto.

Naging impresibo rin ang Lady Spikers sa one hour, 29 minute contest nang magtala lamang ng tournament-low 10 errors. Taliwas ito sa 16-25, 24-26, 19-25 pagkatalo sa University of the Philippines noong Linggo, kung saan nakagawa ang De La Salle ng 37 errors.

“’Yun ang pinakamabigat na loss namin. So, sinabi ko sa kanila, huwag ninyong isipin na mahina ‘yung team. Sa bawat composition ng team, may kanya-kanyang strength. Iba ‘yung strength this year, iba ‘yung strength last year. Kailangan na­ting maniwala sa team natin. Maniwala sa sarili natin,” wika ni Lady Spikers mentor Ramil de Jesus.

“Lagi kong nire-remind na kung less ‘yung errors, malamang mananalo. Kapag ibinigay mo ‘yung error sa kalaban, point iyon eh,” dagdag pa niya.

Sa men’s division, kumana si Bryan Bagunas ng apat na service aces at tatlong blocks para sa 22-point outing nang kunin ng titleholder NU ang  solo lead sa pamamagitan ng 25-7, 25-21, 25-15 panalo laban sa University of the East, habang gumawa si Tony Koyfman ng 22 points, kabilang ang dalawang blocks nang walisin ng Ateneo ang mahigpit na katungga­ling De La Salle, 25-22, 25-20, 25-20, para sa 6-3 kartada sa third spot.

Comments are closed.