Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. – Ateneo vs NU (Men)
10 a.m. – FEU vs DLSU (Men)
2 p.m. – Ateneo vs NU (Women)
4 p.m. – FEU vs DLSU (Women)
MAGSASAGUPA ang De La Salle at Far Eastern University sa rematch ng championship noong nakaraang taon, habang masusubukan ng league-leading Ateneo ang tapang ng National University sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Maghaharap ang Lady Spikers at ang Lady Tamaraws sa alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Lady Eagles at Lady Bull-dogs sa alas-2.
Sa men’s division, target ng FEU ang seven-match sweep ng first round sa pakikipagtipan sa De La Salle sa alas-10 ng umaga, habang magbabanggaan ang defending champion NU at ang Ateneo, na nagkrus ang landas sa huling limang kampeonato, sa alas-8 ng umaga.
Winalis ng Lady Spikers ang Lady Tamaraws sa best-of-three title series upang kunin ang kanilang ikatlong sunod na titulo noong nakaraang season.
Nakumpleto na nina dating MVP Majoy Baron, Kim Kianna Dy at libero Dawn Macandili ang kanilang playing eligibility para sa De La Salle, habang nawala rin sa FEU ang kanilang heart and soul na si Bernadeth Pons nang mag-graduate ito.
Sa kabila nito, ang Lady Spikers at ang Lady Tamaraws ay nananatiling malakas na Final Four contenders.
Ang De La Salle at FEU ay kasalukuyang nakaipit sa ‘three-way tie’ sa ikalawang puwesto, kasama ang walang larong Univer-sity of Santo Tomas sa 4-2. Nananatili sa ibabaw ng standings ang Lady Eagles na may 5-1 kartada, kung saan ang kanilang tanging talo ay laban sa Lady Spikers sa opening weekend.
Ang Lady Tamaraws ang kasalukuyang second hottest team sa liga na may tatlong sunod na panalo.
Nag-iingat ang Lady Eagles laban sa Lady Bulldogs, na sa kabila ng 2-4 record, ay maganda ang nilalaro.
Ginulantang ng NU ang pinapaborang University of the Philippines, 25-17, 14-25, 17-25, 25-23, 17-15 , noong nakaraang Miyerkoles makaraang burahin ang 10-14 deficit sa huling bahagi ng sagupaan.
Comments are closed.