Laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
3:30 p.m. – UST vs DLSU (Women)
SIMPLE lang ang mensahe ni coach Ramil de Jesus para sa De La Salle kung nais nitong mapalawig ang dominasyon sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament.
“Hindi matutupad ‘yung four-peat ninyo kung ayaw ninyong manalo,” wika ni De Jesus makaraang mabigo ang Lady Spikers na matikas na tapusin ang eliminations na lubha nilang kinakailangan.
Maaaring iniinda pa ng La Salle ang 22-25, 25-13, 25-15, 25-27, 8-15 pagkatalo sa Far Eastern University noong Linggo, subalit umaasa ang Lady Spikers na makakapag-regroup sila laban sa University of Santo Tomas sa playoff para sa nalalabing twice-to-beat bonus ngayong alas-3:30 ng hapon sa Filoil Flying V Centre.
Ang mananalo ay lalapit sa isang puwesto sa best-of-three series sa kanilang Final Four showdown sa Linggo sa Mall of Asia Arena, kung saan hinimok ni De Jesus ang kanyang mga player na kalimutan ang pagkatalo sa Lady Tamaraws at mag-focus sa Tigresses, kung saan na-split nila ang kanilang season series.
“Actually, hindi ko naman sila masyadong pinagalitan. Ni-remind ko na lang. Wala nang galit kasi baka dalhin pa nila ‘yung pagkatalo sa Wednesday. Kailangan na lang matuto tayo sa pagkakamali ngayon,” ani De Jesus.
“Ang nakikita ko kasi sa team ngayon, ‘pag nanalo, parang nalulula. Kailangan mong gisingin ulit. Parang hindi sanay na nanalo. Parang relax na relax kami kasi nanalo kami.”
Comments are closed.