LADY STAGS SA ‘FINAL 4’

Mga laro bukas:
(Paco Arena)
12 noon – Perpetual vs San Beda
2:30 p.m. – JRU vs LPU

NAGBUHOS si Reyann Cañete ng 15 points, kabilang ang match-clinching attack na nagbalik sa San Sebastian sa Final Four, at tinalo ang Letran, 25-15, 25-22, 27-25, sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Nakalusot sa elimination round sa unang pagkakataon magmula noong 2017, ang Lady Stags, ang pinakamatagumpay na programa ng liga na may 23 titulo, ay tumapos sa ikatlong puwesto na may 6-3 marka.

Dumiretso ang College of Saint Benilde sa Finals makaraang makumpleto ang 9-0 sweep sa eliminations.

Kinuha ng titleholder Arellano University ang No. 2 ranking sa step-ladder stage na may 7-3 kartada.

Makakaharap ng San Sebastian ang No. 4 ranked team, na hindi pa nadedetermina, sa unang step-ladder match.

Batid ni long-time Lady Stags coach Roger Gorayeb na magiging isang magandang karanasan ang semifinals hindi lamang para sa taong ito kundi para sa darating na seasons na may “promising but untested core” sa pangunguna nina Cañete at Kat Santos.

“Special ito kasi ito ang bagong batch. Nakita mo yung potential,” sabi ni Gorayeb.

Tumipa rin si Santos ng 15 points, kabilang ang 2 blocks, habang kumana si KJ Dionisio ng 4 blocks para sa nine-point outing para sa Lady Stags.

Nakakolekta si libero Jewelle Bermillo ng 22 digs at 12 receptions habang nag-toss si setter Vea Sison ng 20 mula sa 22 excellent sets ng San Sebastian at nakalikom ng 11 digs.

Nagtala sina Juls Castro at Cha Cuñada ng tig-8 points para sa Lady Knights, na kinapos sa paghahabol sa third set mula sa 12-20 deficit.