Ipagdiriwang ang Creative Nation Summit 2024 sa darating na September 30 hanggang October 1, 2024 sa Rizal Park Hotel. Pinangungunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng British Council, layon ng summit na ito na magkaroon ng diskusyon tungkol sa mga plano at hinaharap ng ating ekonomiya ng paglikha (creative economy). Nais ding lalo pang pasiglahin ang ating industriya ng paglikha sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga nangunguna sa industriya, mga mambabatas, at mga manlilikha mismo.
Bahagi ito ng Philippine Creative Industries Month (PCIM) sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI). Ipinagdiriwang ang paglikha at inobasyon ng mga Pilipinong alagad ng sining, manlilikha, at mga artista sa buong buwan ng Setyembre. Ang PCIM ay isa lamang sa mga probisyon sa batas tungkol sa pagpapaunlad ng industriya ng paglikha sa bansa, ang PCIDA o ang Philippine Creative Industries Development Act (Republic Act 11904) na isinabatas noong taong 2022.
Layunin ng mga personalidad at ahensya sa likod ng PCIDA na gawing “creative hub of Southeast Asia” ang bansa sa darating na taong 2030, anim na taon na lamang mula ngayon. Malaki ang papel na ginagampanan ng sektor na ito, ang industriya ng paglikha, sa paglago ng ekonomiya ng bansa. Kaya naman binibigyang pansin ito at pinag-uukulan ng panahon, badyet, at lakas upang maisulong ang industriya hindi lamang dito sa atin kundi pati sa pandaigdigang plataporma.
Likas na malikhain ang mga Pilipino, at ang buong bansa, mula hilaga hanggang timog, ay nag-uumapaw sa iba’t ibang uri ng pagkamalikhain. Ang mga ito ay sama-samang bumubuo ng kulturang Pinoy, yaman ng lahi, at sigla ng ating ekonomiya. Simula pa lamang ito ng mga aktibidad, pagtatanghal, pag-aaral, at iba’t ibang kaganapan na bahagi ng pagpupunyagi na lalong pagyamanin ang ating industriya ng paglikha.