LAKERS ‘DI NAKAPORMA SA SUNS

NAITALA ni Devin Booker ang 12 sa kanyang team-high 30 points sa 48-point, first-quarter explosion na naghatid sa host Phoenix Suns sa 140-111 panalo kontra Los Angeles Lakers sa matchup ng posibleng first-round playoff opponents nitong Linggo.

Nagdagdag si Deandre Ayton ng 10 points sa first-quarter flurry na naglagay sa Lakers sa 26-point hole at nagbigay-daan sa ika-7 kabiguan sa huling siyam na laro sa kabila ng game-high 31 points mula kay LeBron James.

Tumapos si Ayton na may  23 points para sa Suns, na nakabawi mula sa 117-112 home loss sa Toronto Raptors noong Biyernes.

Sa pagdispatsa sa Lakers sa ikatlong pagkakataon ngayong season ng kabuuang 57 points, binura ng Suns ang 6-2 deficit at itinarak ang16-6 lead sa likod ng pares ng  3-pointers ni Booker.

Kumana si James ng 31 points at team-highs sa rebounds na may pito at assists na may anim.  Ang 30-point game ay ika-28 niya sa season. Tumipa si Carmelo Anthony ng18 points, nag-ambag sina Russell Westbrook at Malik Monk ng tig-13 points, at kumubra si Austin Reaves ng 10 para sa Lakers, na natalo bagaman na-outscore ang Suns, 48-36, sa 3-pointers.

PELICANS 130,

 ROCKETS 105

Nagbuhos si Jonas Valanciunas ng 32 points at 10 rebounds at pinutol ng host New Orleans ang four-game losing streak sa pamamagitan ng panalo kontra Houston.

Nagdagdag si Jaxson Hayes ng 21 points, nakalikom si Naji Marshall ng 17 points at 10 rebounds, nagsalansansi Jose Alvarado ng 16 points, 10 assists at 6 steals, umiskor si Willy Hernangomez ng 12 points at tumipa si Devonte’ Graham ng 10 points para sa short-handed Pelicans.

Tumirada si Jalen Green ng 17, nag-ambag si David Nwaba ng 15, bumalik si Jae’Sean Tate mula sa two-game absence dahil sa sore left ankle upang tumipa ng 14 at gumawa si Josh Christopher ng 13 upang pangunahan ang Rockets. Nagbalik si leading scorer Christian Wood mula sa three-game absence dahil sa karamdaman at nagtala ng 8 points — 10 below ng kanyang average — ngunit nagdagdag ng game-high 12 rebounds.

NETS 110,

KNICKS 107

Tinampukan ni Kevin Durant ang season-high 53-point performance sa pagsalpak ng tiebreaking 3-pointer, may  56.3 segundo ang nalalabi, nang maungusan ng host Brooklyn ang New York.

Naipasok ni Durant ang 19 sa 37 shots at ang kanyang pinakamalaking  hoop ang bumasag sa 103-103 pagtatabla. Makaraang mapuwersa ng depensa ni Goran Dragic si New York’s Julius Randle sa turnover, namataan si Durant sa left wing katapat ng bench ng New York at isinalpak ang 3-pointer laban kay RJ Barrett.

Sa iba pang laro, naungusan ng 76ers ang Magic, 116-114 (OT); ginapi ng Clippers ang Pistons, 106-102; dinispatsa ng Mavericks ang Celtics, 95-92; kinalawit ng Hawks ang Pacers, 131-128; at pinatahimik ng Grizzlies ang Thunder, 125-118.